Magsasagawa ang Department of Transportation (DOTr), katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ng 5-araw na mobile COVID-19 vaccination drive para sa mga pasahero at transport workers sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, sisimulan ang naturang vaccination drive sa Enero 24 at magtatagal hanggang sa Enero 28, 2022.

Aniya, ang programa na tinatawag na “We Vax as One: Mobile Vaccination Drive,” ay naglalayong magbigay ng AstraZeneca vaccine brand bilang first, second, o booster doses.

Bibigyang prayoridad rin aniya sa programa ang mga tatanggap ng booster shots.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Target aniya nilang makapagbigay ng 500 bakuna kada araw sa naturang aktibidad.

“Mahalaga po para sa atin na masigurong bakunado ang ating mga bayaning transport workers, lalo na at iba't-ibang lugar ang kanilang pinupuntahan, gayundin ang ibang stakeholders at mga commuters na kanilang nakakasalamuha sa araw-araw,” pahayag ni Tugade.

Isasagawa ang limang araw na bakunahan sa PITX mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas 12:00 ng tanghali.

Pinapayuhan naman ang mga nais magpabakuna na magtungo sa Gate 4 sa ikalawang palapag ng PITX.

Tatanggap rin anila ng walk-in vaccinees sa vaccination drive, at magkakaroon ng registration sa lugar.

Matatandaang pinangunahan rin ng DOTr ang katulad na COVID-19 vaccination drive para sa mga transport workers sa loob ng anim na magkakasunod na linggo sa PITX na nagsimula noong Julyo 31, 2021.

Ang vaccination drive noong nakaraang taon ay tinawag na “TsuperHero: Kasangga ng Resbakuna.”Kabilang sa mga nabakunahan dito ay ang mga drayber, konduktor, at iba pang transport workers ng public utility vehicles (PUVs).

Naging bahagi ng vaccination drive ang DOTr Road Transport Sector, Department of Health (DOH), Mega Manila Consortium Corporation (MMCC), Parañaque City government, at ang PITX.

Mary Ann Santiago