Inaresto ang isang 80 taong gulang na lolo noong Enero 13, 2022 dahil sa pagnanakaw umano ng 10 kilong mangga.
Ayon sa ulat ng Asingan PIO, mangiyak-ngiyak si Lolo Narding Flores, 80, nang makapanayam nila ito. Isang linggo na kasi itong nasa kustodiya ng Asingan PNP at gusto na umano nitong umuwi.
"Pinapitas ko yung isang puno ng manga wala pang sampung kilo, ang alam ko sakop namin. Noong binakuran nila, sinakop naman na nila pero tanim ko naman yun," ani Lolo Narding.
Naaresto si Lolo Floro dahil sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng 7th Municipal Circuit Trial Courts (MCTC) Asingan-San Manuel noong Disyembre 20, 2021, matapos magsampa noong Mayo 18 ng kasong theft ang kanyang kapitbahay.
Ayon sa pulisya, naaresto si Lolo Narding sa isang manhunt operation bandang alas-5 ng hapon noong Enero 13 sa Bgy. Bantog.
"Ang gusto ko sana makipagsundo, maliit lang naman kasi na bagay, noong ibibigay ko yung bayad ayaw nilang tanggapin, ang sabi nila bayaran ko ng anim na libo," dagdag pa ni Lolo Narding.
Sa ulat, may inilaan na piyansa ang korte na nagkakahalagang P6,000 para sa pansamantalang kalayaan ni Lolo Floro dahil hindi sila nagkasundo ng kanyang kapitbahay kaya't nauwi ito sa pormal na pagsasampa ng kaso.
Samantala, pansamantalang makalalaya na si Lolo Narding matapos makapagpiyansa mula sa inambag na pera mula sa pulisya at iba pang donor. Marami rin umano ang nagpadala ng tulong nang kumalat sa social media ang balita tungkol sa pangyayari.