Hindi nakaranas ng anumang masamang epekto mula sa kaniyang Sinopharm booster shot ang Pangulong Duterte ayon kay Cabinet Secretary at Acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles.
Ito ang pahayag ni Nograles nitong Miyerkules, Enero 19 sa isang panayam sa telebisyon at muling ipinaliwanag na ang desisyon na turukan ng Sinopharm si Duterte bilang booster shot laban sa coronavirus disease (COVID-19) ay napagpasyahan ng Pangulo at ng kanyang personal na doktor.
“Wala namang pong masamang epektong naidulot sapagkat alam namin again itong mga bakuna ni Pangulong Duterte is something between him and his personal phsyician,” sabi ni Nograles.
“So yung Sinopharm na ginamit sa kanya na bakuna, we are going by the statement niya sa ‘Talk to the People’ kung saan nabanggit niya na naka-Sinopharm din po siya as booster,” dagdag ng opisyal ng Palasyo.
Noong nakaraang Ene. 6 nang kaswal na banggitin ni Duterte sa isa sa kanyang late night public briefing na siya ay nabigyan ng booster shot laban sa COVID-19. Ang impresyon bago ito ay walang ideya ang mga opisyal ng Palasyo kung kailan ito mangyayari.
Sinabi ni Duterte na ang tatak bakuna para sa kanyang booster ay ang China-made Sinopharm, kung saan ay ito rin ang kanyang pangunahing serye ng mga bakuna. Hindi naman ibinunyag ng Pangulo kung kailan niya natanggap ang kanyang booster.
Noong Martes, sinabi ng Department of Health (DOH) na wala silang teknikal na iniendorso na anumang brand bilang booster shot para sa mga indibidwal na ang pangunahing serye ng bakuna ay Sinopharm. Ito ay dahil sa kakulangan ng mga pag-aaral at datos, kahit na mula sa mismong gumawa ng bakuna.
Ang ulat ay nagdulot ng pagkabahala sa mga posibleng mapanganib na epekto na maaaring maranasan ng 76-taong-gulang na si Duterte mula sa kanyang karagdagang Sinopharm shot.
Pero sinabi ni Nograles na wala namang ganitong side effects.
“Again, we reiterate that this is something between the President and his personal physician,” ani Nograles.
Sinabi pa ni Nograles na ang gobyerno at ang mga dalubhasa sa bakuna sa DOH ay patuloy na nakikipag-ugnayan Sinopharm manufacturers upang makakuha ng impormasyon na makatutulong sa kanila na matukoy ang pinakaepektibong brand ng bakuna para sa boosting purposes.
Ellson Quismorio