Sumakabilang-buhay na ang komedyanteng si Ernesto Fajardo o mas kilala sa screen name na 'Don Pepot' noong Enero 18, 2022, ayon sa balita ng kaniyang anak na si Michael Fajardo.
"Our beloved Ernesto 'Don Pepot' Fajardo passed away yesterday at 8:32pm due to acute respiratory failure; covid confirmed critical. His wake will be at Solennelle Funeral Homes at Valenzuela, along Maysan Road," saad sa Facebook post ni Fajardo nitong Enero 19.
Kasama sa post ang iskedyul ng pagdalaw ng mga tao sa burol. January 20, 2022 (Day 1) ay para sa immediate family, sa January 21 (Day 2) ay para sa mga kaanak at kaibigan, at January 22 (Day 3) naman ay para sa publiko.
"Eternal rest grant unto him O'Lord. May his soul rest in peace. We love you, Papang!"
Noong Disyembre 2021, nanawagan ng tulong si Fajardo para sa fund-raising event na ginawa nila para sa pagpapagamot at pagpapaospital ni Don Pepot, na nakipaglaban sa sakit na pneumonia. Nagbenta rin sila ng Don Pepot T-Shirt upang makatulong sa pinansyal na pangangailangan ng komedyante sa ospital.
Noong Nobyembre 6 ay nakapagdiwang pa ng kaniyang kaarawan si Don Pepot.
"Happy Birthday to the man who taught me to be wise, how to pick myself up after a failure and rise. I love you papa!" saad sa pubmat na inialay ni Fajardo sa ama.
Nag-post din si Fajardo ng isang tribute video para sa kaniyang yumaong ama.
"Itapon ang mabuti, pulutin ang masama. Itapon ang mabuti, para mapulot ng iba… Pulutin ang masama, para di mapulot ng iba -Don Pepot."
Noong nagsisimula pa lamang siya, 'Pepot' pa lamang ang kaniyang screen name. Napabilang siya sa isang travelling comedy show kasama ang yumao na ring si Apeng Daldal. Hindi na rin mabilang ang mga pelikulang kinabilangan niya, simula 1964 hanggang 2005.
Noong 2005, ginawaran siya ng Lou Salvador Sr. Memorial Award sa 2005 FAMAS Awards.
Noong 2014, napabalita sa social media na patay na siya subalit pinabulaanan niya mismo ito. Sinabi niya na nasa Malabon lamang siya at retirado na sa showbiz.
Namatay umano si Don Pepot noong Martes ng gabi habang nakaratay sa Veteran Memorial Hospital.