CEBU CITY – Kinumpirma ng Department of Health-Central Visayas (DOH 7) nitong Martes, Enero 18, ang pagpasok ng COVID-19 Omicron variant sa rehiyon.

Ayon kay Dr. Mary Jean Loreche, chief pathologist ng DOH 7, nakatanggap sila ng ulat noong Lunes na 22 pasyente ang nagpositibo sa Omicron variant.

“Labing anim nito are samples from our Overseas Filipino Workers (OFWs), one returning overseas Filipino, and five from the local community. A total of 22,” sabi ni Loreche.

Aniya pa, ang 22 resulta ay bahagi ng 78 sample na ipinadala sa Philippine Genome Center na sakop ang panahon mula Disyembre 27, 2021 hanggang Enero 6, 2022.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang kumpirmasyon ng pagkakaroon ng Omicron variant sa Central Visayas ay kasunod ng patuloy na pagtaas ng mga bagong impeksyon sa rehiyon.

Habang patuloy ang mabilis hawaan ng COVID-19, pinaigting ng pulisya sa Cebu City ang kanilang pagsugpo sa mga lumalabag sa curfew.

Noong Lunes ng gabi, Enero 17, nagsagawa ng “Oplan Bulabog” ang mga operatiba ng Cebu City Police Office (CCPO) at nahuli ang hindi bababa sa 60 katao sa isang bar nang lampas sa oras ng curfew.

Bilang isa sa mga hakbang para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, nagpatupad ang lungsod ng 11 p.m.-4 a.m. curfew.

Ang mga lalabag sa curfew ordinance ay magmumulta ng P1,000 o apat na oras na community service.

Ang operasyon ng pulisya noong Lunes ay isinagawa sa isang bar sa Barangay Capitol Site. Nagsagawa rin ng katulad na operasyon sa parehong bar noong Nobyembre kung saan dose-dosenang din ang natiklo.

Kasalukuyang nakararanas ng pagsirit ng mga kaso ng bagong impeksyon ng COVID-19 ang lungsod.

Sa datos na inilabas ng Emergency Operations Center, ang lungsod noong Lunes, Enero 17, ay nakapagtala ng 671 na bagong kaso, ang all-time high na bilang ng arawang kaso mula nang tumama ang pandemya.

Sinimulan ng lungsod ang taon na may siyam lamang na aktibong kaso ngunit sa kamakailang pagtaas, ang mga aktibong kaso ay umabot na sa 3,211, pinakamarami sa buong Rehiyon 7.

Calvin Cordova