Umapela si Cabinet Secretary at Acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles sa mga publiko nitong Martes, Enero 18 na huwag nang magpakalat ng fake news ukol sa Omicron variant ng coronavirus disease (COVID-19).

“‘Wag po tayong magpakalat ng Omicron virus, ‘wag din po tayo magpakalat ng Omicron fake news,” sabi ni Nograles sa isang virtual press conference.

Tinutukoy ni Nograles ay isang pekeng “Omicron alert” na nag-viral nitng Lunes, Enero 17 kung saan inisyu diumano ito ng Department of Health (DOH).

Ang Omicron ang kasalukuyang dominant variant ng coronavirus sa bansa at lalo nitong pinabibilis ang kasalukuyang pag-akyat ng arawang mga bagong kaso ng sakit.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

“Malinaw po na mas nakakahawa at mas mabilis kumalat ang Omicron variant ng COVID-19. However, just as alarming and concerning is the speed at which false information about Omicron is being spread,” dagdag ng opisyal ng Palasyo.

Sinabi niya na ang pekeng DOH Omicron alert ay nagsabi pa na ang Omicron variant ay tumatagal lang ng 20 segundo upang makahawa sa mga matatanda at bata.

Bukod dito, sinabi nito na ang isang taong nahawaan ng Omicron ay maaaring muling mahawaan pagkatapos ng tatlong linggo. Ang muling impeksyong ito mula sa Omicron ay diumano'y “mas nakamamatay.”

Linawin ko lamang po. Sa ngayon, patuloy ang mga pag-aaral tungkol sa Omicron variant but not a single study presented backs any of these baseless claims. Zero po. Walang basehan,” ani Nograles.

“Gusto po nating bigyan ng diin–walang pag-aaral ang nagpapatunay na mas malala o mas nakamamatay ang Omicron kapag nare-infect nito ang isang pasyente,” sabi ni Nograles na tumatayo rin bilang tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).

Binigyang-diin ni Nograles na ang mga indibidwal na ganap na nabakunahan o nakatanggap na ng booster shots ay mananatiling protektado mula sa COVID-19, gayundin ang mga sumusunod sa minimum public health standards (MPHS) tulad ng pagsusuot ng face mask.

“We know that as cases rise due to Omicron, many of us naturally want to know more about this variant. OK lang po yun. We should all be armed with information about COVID pero uulitin ko po, please arm yourselves with the right information. And please get your information from trusted and credible sources,” dagdag niya.

Ellson Quismorio