Inirekomenda ng Department of Education (DepEd) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang expansion o pagpapalawak pa ng face-to-face classes sa mga lugar na nasa ilalim ng COVID-19 Alert Levels 1 at 2.

Sa Talk to the People ni Pang. Duterte nitong Lunes ng gabi, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na ang expansion ng face-to-face classes ay magsisimula nang hindi mas maaga sa unang linggo ng Pebrero.

Tiniyak naman ni Briones na maingat pa rin nilang ikukonsidera dito ang payo ng Department of Health (DOH), mga local government units (LGUs), gayundin ng Department of Justice (DOJ).

“Iyon ang proposal namin Mr. President, na February ang pag-e-expand, pero maingat pa rin taking into consideration the advice of the Department of Health, local government units, as well as now the DOJ,” ayon kay Briones.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kasabay nito, sinabi rin ni Briones na ang DepEd at DOH ay dapat na bigyan ng awtoridad na magdesisyon hinggil sa scale at mechanics ng naturang expansion at iba pang school-based activities, sa pakikipag-konsultasyon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Inirerekomenda rin aniya nila na tanging mga bakunadong guro at mga non-teaching personnel lamang ang papayagang lumahok sa face-to-face classes.

Mas mainam rin aniya kung mga bakunadong estudyante lamang rin ang lalahok dito.

Siniguro rin naman ng kalihim na patuloy pa rin ang framework ng shared responsibility at mananatiling requirement dito ang pagsang-ayon ng LGUs at pahintulot ng mga magulang.

“Hindi kami mag-e-expand basta-basta na hindi kami nangangatok sa local governments at hangga't hindi nakukuha ang written consent ng parents,” aniya pa.

Mary Ann Santiago