Inaasahan ng administrasyong Duterte na makakamit nito ang pagbabakuna sa buong populasyon ng mga nasa hustong gulang sa pagtatapos ng unang kwarter ngayong taon bilang hakbang din upang maprotektahan ang mga botante na lalahok sa May 2022 polls.
Ito ang pahayag ni Cabinet Secretary at Acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles nitong Martes, Enero 18, sa isang virrual press conference nang tanungin kung nababahala ang gobyerno sa mataas na arawang bilang ng coronavirus disease (COVID-19) wala pang apat na buwan bago ang pambansang at lokal na halalan.
“Ang next target po natin is to reach the 77 million-mark by end of first quarter of 2022, which is by end of March of 2022,” sabi ni Nograles.
“Kasi gusto po natin na by end of first quarter, ang total adult population po natin which incidentally are the voters kasi adult population ‘di ba, so sila po ‘yung mga botante natin ,” dagdag ng opisyal ng Palasyo.
“At bago pa man sumapit ang April or even May, gusto natin na iyong adult population natin ay lahat po ay fully vaccinated, fully vaccinated na. Sa ganoong paraan, dagdag proteksiyon para sa mga botante ‘no,” paliwanag niya.
Ang susunod na halalan ay magaganap sa Mayo 9.
Kasalukuyang nakikipagbuno ang bansa sa matulin na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 na umano’y dulot ng Omicron variant. Noong nakaraang linggo ay nakapagtala ng ilang single-day record ng mga sariwang kaso na umabot sa mahigit 37,000.
Sinabi ni Nograles, tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), na naabot pa lang ng Pilipinas ang 54-million milestone sa mass inoculation program nito laban sa COVID-19.
Sinabi niya na ang 54 milyong ganap na bakunadong indibidwal ay kumakatawan sa 70 porsiyento ng kabuuang populasyon ng nasa hustong gulang ng bansa sa 77 milyon. Ang natitirang 23 milyon gayunpaman ay ang bilang na hahabulin na mabakunahan ng pamahalaan sa katapusan ng Marso 2022.
“Of course, kailangan patuloy pa rin iyong pagsuot ng mask ‘no, hugas, social distancing plus tamang ventilation and tamang bakuna ‘no. So iyong bakuna is one layer of protection,” ani Nograles.
Kaugnay naman sa binanggit niyang minimum public health standards (MPHS), aniya, bahala na ang Commission on Elections (Comelec) kung paano ito maipatupad pagdating ng araw ng halalan.
“So we will now leave it up to Comelec in the upcoming elections kung paano nila ma-implement iyong [MPHS] pagdating ng pagboto ng ating mga kababayan doon sa mga voting precincts. But as far as the administration of President Duterte is concerned, ang target natin before election—the election day, kailangan lahat ng ating adult population ay fully vaccinated na po,” sabi ng miyembro ng Gabinete.
Ellson Quismorio