Nilinaw ng isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) nitong Martes, Enero 18 na maaari pa ring ma-exempt sa “no vax, no ride'” policy sa mga pampublikong transportasyon ang mga hindi bakunadong indibidwal kung sila ay medically incapable o kung sila ay lalabas para sa esensyal na layunin kabilang ang pagpunta sa trabaho.

Sa isang House committee on health hearing, sinabi ni DOTr Usec ni Ochie Tuazon na para sa mga medically incapable, kailangan lamang nilang magpakita ng kanilang medical certificate na nagsasabing hindi sila maaaring maturukan ng bakuna laban sa COVID-19.

Samantala, ang mga taong hindi bakunado na lumalabas para sa mga pangunahing pangangailangan, kabilang ang mga bibili ng pagkain at papasok sa trabaho, ay maaari pa ring sumakay ng pampublikong transportasyon.

Ito ang paglilinaw ni Tuazon matapos banggitin ni Committee on Health chair Quezon 4th District Rep. Helen Tan ang mga ulat ng mga commuter at driver na pinagbabawalan na sumakay o magmaneho ng kanilang mga sasakyan para sa kanilang hindi o partially-vaccination status.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Yung mga lumalabas po for basic essential, yung food saka yung essential services natin. Yung pagpunta sa doctor, yung pagpunta sa trabaho po, considered as essential travel. Yung pagbili ng pagkain, ng tubig, yung mga ganon po,” ani Tuazon.

Sinabi ng transport offocial na may legal na batayan ang department order nito na ipatupad ang ‘no vax, no ride’ policy, na binanggit ang resolusyon ng Metro Manila Council na nagbabawal na gumalaw sa laba ang mga hindi pa nababakunahang indibidwal.

Ang resolusyon ay pinagtibay sa pamamagitan ng mga lokal na ordinansa ng lahat ng lungsod sa Metro Manila at nag-iisang munisipalidad, dagdag ni Tuazon.

“Naglabas na po ang DOJ (Department of Justice) ng opinion nila na sinasabi that the said resolution by the MMC is actually a valid exercise of their police power as granted by the local government code,” patuloy na saad niya.

Noong Lunes, Enero 17, sinimulan na ng gobyerno ang pagpapatupad ng ‘no vax, no ride’ policy, kung saan na-deploy ang iba’t ibang law enforcers at sinusuri ang mga pampublikong sasakyan kung ganap na bang nabakunahan ang kanilang mga pasahero.

Hindi napigilan ng isang babaeng commuter ang umiyak sa isang panayam sa telebisyon na ipinalabas noong Lunes ng gabi nang pigilan siyang sumakay ng pampublikong transportasyon dahil hindi pa siya nakakakuha ng kanyang pangalawang dosis ng COVID-19 vaccine na nakatakda pa sa susunod na buwan.

Joseph Pedrajas