Ipinagkibit-balikat lang ni Presidential aspirant Vice President Leni Robredo nitong Lunes, Enero 17, ang pagbasura ng ikalawang dibisyon ng Commission on Elections (Comelec) sa kaso ng disqualification laban sa kanyang karibal na si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Hindi, hindi namin inaabangan kasi whatever naman nung desisyon ng Comelec, hindi naman apektado ‘yung laban,” ani Robredo nang magbigay ng pahayag sa midya sa Antipolo City kung saan nakapuwesto ang inisyatibang Swab Cab ng Office of the Vice President (OVP).

Nauna nang sinabi ni Robredo na personal niyang gustong makaharap si Marcos sa darating na presidential elections para patunayan na "once and for all" na siya ang nanalo noong 2016.

Ang anak ng noo’y dating diktador ay nagpetisyon para sa pagpapatalsik kay Robredo sa puwesto dahil sa umano'y pagdaraya sa vice presidential polls. Ito ay ibinasura ng Korte Suprema noong Pebrero, nakaraang taon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Lagi naman namin sinasabi na ‘yung laban ng aking kandidatura ay hindi naman nakadepende saka nakabase sa galaw ng ibang mga kandidato,” sabi ni Robredo.

“Tayo, whatever the decision will be, sige lang tayo,” dagdag ng Bise Presidente.

Nitong Lunes, ibinasura ng pangalawang dibisyon ng poll body ang petisyon na inihain ng dating tagapagsalita ng Korte Suprema na si Theodore Te, na kumakatawan sa mga political detainees at karapatang pantao at mga organisasyong medikal na sumasalungat sa Martial Law, para sa pagkansela ng Certificate of Candidacy (COC) ni Marcos.

Nakatakda ring ilabas ngayong araw ng unang dibisyon, na pinamumunuan ni Commissioner Rowena Guanzon, ang promulgation sa dalawang pinagsama-samang disqualification cases.

Ngunit ilang kawani ng Comelec first division ang nagpositibo sa COVID-19, kung saan close contact maging si Guanzon at kasalukuyang naka-isolate.

Ang pinagsama-samang petisyon ay inihain ng mga nakaligtas sa batas militar sa pangunguna ni Bonifacio Ilagan at Akbayan Citizen’s Action Party.

Nangatuwiran ang grupo ng mga petitioner na hindi dapat payagang tumakbo si Marcos para sa anumang elective post dahil sa naunang hatol sa hindi pagbabayad ng buwis at hindi pag-file ng income tax returns.

Raymund Antonio