Maaaring nagsimula nang bumaba ang bilang ng mga bagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Metro Manila matapos makapagtala ang rehiyon ng negatibong (-) 1 porsiyento ng daily growth rate sa nakalipas na linggo, sinabi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David nitong Lunes, Ene. 17.

“Base sa datos kahapon [Jan. 16], bumaba ang daily growth rate to negative 1 percent from 2 percent. Mukhang pababa na ng kaunti pero di pa tayo pwede mag-celebrate,” ani David sa naganap na Laging Handa public briefing nitong Lunes.

Ang Metro Manila ay nagkaroon ng 15,959 na bagong kaso noong Enero 16, na mas mababa kaysa sa naiulat na mga bilang sa nakalipas na apat na araw, batay sa bulletin ng Department of Health.

Nabanggit ni David na ang growth rate sa nakalipas na apat na araw, sa pagkakasunud-sunod, ay 11 porsiyento, 5 porsiyento, 3 porsiyento, at 2 porsiyento.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“All over the country now, we’re seeing a rise in cases, kaya makaka-affect ito sa sinasabing peak kung pinag-uusapan buong bansa. Pero possible na sa NCR [National Capital Region], Cavite, Bulacan, Rizal ay baka malapit na ang peak o nagpi-peak na tayo,” sabi ng OCTA research fellow.

Bukod dito, ang reproduction number ng Metro Manila ay kasalukuyang nasa 2.67–mula sa peak na 6.16 noong Enero 2.

Paliwanag ni David, “Nanggaling ‘yan sa mahigit sa 6. [Ibig sabihin, sa] isang infected more than six ang nahahawaan. Ngayon less than three na lang.”

Bagama't iminumungkahi ng trend na nag-peak na ang mga kaso sa Metro Manila sinabi ni David na nananatili ang posibilidad na ang visibility ng sitwasyon sa rehiyon ‘di pa rin makukumpirma dahil sa mga limitasyon sa testing.

“Next week makikita natin kung talagang pababa ang bilang [ng kaso] sa NCR (Next week we will see if the number of cases in NCR is really going down,” sabi niya.

“I’d say it’s a good sign dahil bumababa lahat ng indicators natin. Pero sabi nga, mas magandang hintayin natin. For the meantime, tuloy ang pagsunod sa minimum public health standards,” dagdag niya.

Ellalyn De Vera Ruiz