Upang higit pang mapabilis ang kampanya na maprotektahan ang mga mamamayan laban sa COVID-19, ipinanukala ni Manila Mayor Isko Moreno sa national government at sa pribadong sektor na ikonsidera ang paglalaan ng toll booths sa lahat ng expressways na patungong Metro Manila, bilang drive-thru booster shot facilities.

“Meron lang akong panawagan, magsi-share lang ako ng idea. Lahat ng toll gate pwedeng drive-thru yung isang lane. Just imagine all the exits,” panukala pa ni Moreno, nang pangunahan ang pagbubukas ng drive-thru booster shot facility para sa mga tsuper ng mga public utility vehicles (PUV) sa Bagong Ospital ng Maynila.

Ayon kay Moreno, nabuo niya ang naturang ideya nang makita ang libu-libong mga non-Manilans na nagmumula pa sa iba’t ibang lalawigan sa Luzon at pumipila para sa booster shots sa iba’t ibang vaccination facilities ng lungsod ng Maynila, partikular na sa Luneta drive-thru booster shot facility para sa mga 4-wheeled vehicles.

“Kaya ko naisip yun kasi naaawa ako sa mga taga-Northern Luzon, Central Luzon at Southern Luzon na pumupunta sa Manila. The data will not lie, may pumupunta nga sa amin, taga-Mariveles, Bataan. Dulo na ng Bataan yun, about 3-4 hours drive to Manila, plus the number of hours lining up for shots at the Luneta driver-thru booster facility. Ibig sabihin, merong demand ang tao, gusto ng tao na magpa-booster,” anang alkalde.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Suhestiyon pa niya, maaaring hilingin ng Toll Regulatory Board (TRB) sa mga business tycoons na sina Manny Pangilinan at Ramon Ang na maglaan ng toll booths sa lahat ng entrance o exit toll gates sa North Luzon Expressway (NLEX), South Luzon Expressway (SLEX), Manila–Cavite Expressway (CAVITEx), Southern Tagalog Arterial Road (STAR Tollway), Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEx), at Tarlac–Pangasinan–La Union Expressway (TPLEx), para sa mga motoristang gumagamit ng expressways at nais magpaturok ng booster shots.

Giit ng alkalde, bukod sa mas accessible ito sa mga tao, tiyak aniyang ang mga naturang korporasyon ay may sapat na kakayahang pinansiyal upang kumuha ng mga temporary vaccinators.

“Ito kasi ang idea na ito, tulong-tulong na tayo, yakapin na natin ang kaya nating yakapin. I know it’s not their job, but at the end of the day, it’s our country. Bansa natin ito. Tayo rin naman ang magmamalasakitan sa isa’t-isa,” ani Moreno, na siya ring presidential bet ng partidong Aksyon Demokratiko sa May 2022 polls.

“I am just saying that if we really wanted to, kung pare-pareho tayo ng antenna, kung gusto nating proteksyonan ang tao, it’s just a mere suggestion. Wala naman kasi akong otoridad over the toll (operators). But given the chance, I’ll do that, why not,” aniya pa.

Tiniyak rin naman ng alkalde na ang pamahalaang lungsod ng Maynila ay hindi titigil sa kanilang agresibong kampanya upang maprotektahan ang mga mamamayan laban sa COVID-19.

Mary Ann Santiago