BACOLOD CITY — Naitala ng Emergency Operations Center (EOC) ng lungsod nitong Enero 17, ang pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa 189 mula nang magsimula ang pandemya.

Sinabi ni EOC executive director Em Legaspi-Ang, nitong Lunes na ito ang itinuturing na pinakamataas na bilang na naitala ng lungsod mula noong Mayo 2021, kung saan 180 kaso ang naitala bilang pinakamataas sa panahong iyon.

Ang datos ay batay sa real time na mga resulta mula sa molecular laboratory na inilabas noong Linggo ng gabi.

Karamihan sa mga nahawa ay ang mga may travel history, mga buntis, at may comorbidities na asymptomatic, ani Ang.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa kabila nito, sinabi ni Ang na ang hospitalization utilization rate ay nananatiling bahagyang mababa sa 31 percent.

Idinagdag din niya na isang pagkasawi lang ang naitala sa ngayon sa buwang ito.

Sinabi ni Ang na muli nilang binuksan ang tatlo pang quarantine facility kasunod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ang mga pasyente ng COVID-19 ay kwalipikadong mapasailalim sa home quarantine kung sila ay asymptomatic, may hiwalay na banyo at kwarto, at kung lahat ng nasa indibidwal sa loob ng tahanan ay bakunado na, ayon sa opisyal.

Aniya pa, nagpapatuloy ang programa ng pagbabakuna ng pamahalaang lungsod kung saan hinihikayat ang mga natitirang residenteng hindi pa rin bakunado sa ngayon.

Nalampasan na ng lungsod ang 70 percent na target mula sa kabuuang populasyon sa kanilang vaccination campaign.

Sa katunayan, sinabi ni Ang na ang arawang average nila ay umaabot na sa 6,000-8,000 dahil sa booster shots.

Samantala, sinabi ni Ang na prerogative ng mga establisyimento sa lungsod kung magpapatupad ang mga ito ng “no vaccine, no entry.”

Habang wala pang opisyal na anunsyo mula sa pamahalaang lungsod upang ipatupad ito, naniniwala si Ang na ito ay isang mahusay na hakbang upang maiwasan din na mahawa ang kanilang mga empleyado.

Ang lungsod ay isinailalim sa ilalim ng Alert Level 3 mula Enero 15.

Glazyl Masculino