Umapela si senatorial aspirant Sorsogon Gov. Francis “Chiz” Escudero nitong Linggo, Enero 16, sa pambansang pamahalaan na magbigay ng isang RT-PCR machine bawat probinsiya habang sinabing aabot lamang ito sa P10 milyon kada yunit.

Si Escudero, na naging panauhin sa weekly radio show ni Vice President Leni Robredo, ay nagsabi na ang pagbibigay ng 10 makina sa bawat lalawigan ay nagkakahalaga ng mas mababa sa P10 bilyon, na malayo sa tinatayang P6 trilyon na kinuha ng pambansang pamahalaan bilang mga pautang para labanan ang COVID- 19 pandemic.

“Ang halaga ng isang RT-PCR machine ay higit kumulang P10 million. Bigyan mo ang kada probinsiya ng isa wala pang isang bilyon iyon. Bigyan mo ng sampu ang kada probinsya, wala pang sampung bilyon iyon,” ani Escudero.

“Ano ba naman iyong sampung bilyon para magkaroon tayo ng mass testing capability na libre sa bawat lalawigan ng ating bansa?,” tanong ng gobernador.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Si Escudero ay isang guest candidate sa senatorial slate ni Robredo. Guest candidate din siya ng presidential aspirants na sina Senators Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao at Panfilo ‘Ping’ Lacson.

Ang senador na tubong Bicol tulad ni Robredo ay nagsabi na ang kanyang sariling rehiyon ay mayroon lamang isang RT-PCR machine.

Ang yunit na iyon ay nakatalaga sa lalawigan ng Albay, kaya lahat ng mga testing na manggagaling sa rehiyon ay kailangang i-line up sa Albay.

Paliwanag ni Escudero, ito ang dahilan kung bakit inaabot ng dalawa hanggang tatlong araw ang pagpapalabas ng RT-PCR tests sa kaniyang lalawigan.

Raymund Antonio