Ibinahagi ng Kapamilya actress na si Sue Ramirez na totoong binatukan niya ang tinaguriang 'Silent Superstar' ng Kapamilya Network na si Jodi Sta. Maria, sa isa sa mga pinag-usapang eksena sa trending trailer ng 'The Broken Marriage Vow,' ang Pinoy adaptation ng hit British series na 'Doctor Foster' (The World of the Married sa remake ng South Korea).

Si Sue ang gaganap na Lexy Lucero sa serye, na siyang kabit ng karakter ni Zanjoe Marudo, na gaganap naman bilang si David Ilustre at mister ni Jodi sa kuwento, na gaganap naman nilang Dr. Jill Ilustre.

Kung tutuusin, ito ang biggest break ni Sue lalo't nakilala siya sa pagganap sa mga pa-tweetums at pa-sweet na character sa teleserye, pero ngayon, talaga namang bonggang-bongga na ang pagsisimula ng kaniyang kontrabida role sa malaking proyektong ito ng Kapamilya Network ngayong 2022, sa kabila ng kawalan ng prangkisa.

“Ang laki ng pressure sa akin. Batok talaga? Nakakaloka!” pag-amin ni Sue sa ginanap na solo virtual media conference para sa kaniya.

'Di talaga, mamatay man!' Heart, wala raw pinagawa sa mukha maliban sa isa

Chika ni Sue, ayaw niya sanang totohanin ang pagbatok kay Jodi dahil sa palagay naman ay kayang-kaya nitong pekein na lang na maganda pa rin ang kalalabasan, ngunit ito mismo ang nagsabi sa kaniya na ayos lang at totohanin na.

Kaya go na go naman ang lola n'yo para mas maging makatotohanan pa ang mga eksena. Kaya lang, nashokot pala si Sue dahil ang liit daw ng ulo ni Jodi. Inilarawan niya ang ulo nito na 'gamunggo.'

“I was really scared. Ang liit kaya ng ulo ni Ate Jodi, gamunggo po siya. Konting pagkakamali, ulo ‘yun…bawal nga masahihin ‘yung batok tapos mambabatok pa ko!”

“Kailangan ko siya gawin kasi ginawa siya sa lahat ng versions ng ‘Doctor Foster.’ So bongga ‘yung eksena na ‘yun. Crucial siya."

At pagmamalaki niya, take 1 lang 'yun kaya nakahinga siya nang maluwag na isang beses lamang ang bonggang-bonggang batok na iyon.

“At nakuha namin in one take. Tinotoo talaga na batok. May alalay nang malala pero kinailangan talaga dumikit para maganda rin ‘yung pagkahulog ng ulo ni Ate Jodi,” kuwento ni Sue.

Chika pa ni Sue, matagal na siyang 'faney' ni Jodi, na tipong nagbibisikleta pa siya patungo sa shooting location nito para lamang makapagpa-picture dito.

Sino raw ba ang mag-aakalang ang dating hinahangaan lamang niya, ngayon ay nakatrabaho at naka-eksena na, plus nabatukan pa?

“Si Ate Jodi po talaga, wala po ako masabi. Napakabuti po tao. Napakabuti po ng kanyang puso, ng kanyang isip. Hindi po siya nagagalit. Palagi lang siyang kalmado.

“Siya ‘yung unang kakalma sa mga tao. Siya ‘yung unang magsasabi na, ‘We can do this altogther. We will help each other.’ Yayakapin kami niyan ni Ate Jodi ‘pag umiiyak kami,” bida pa niya.

Magsisimula na ang 'The Broken Marriage Vow' sa Kapamilya Primetime Bida sa Enero 24 na mapapanood sa mga platforms ng ABS-CBN.