Pagod ka na rin ba sa maya't mayang paglalabas ng vaccination card sa mga establisyimientong naghahanap nito bago makapasok sa kanila?

Bakit hindi gayahin ang ginawa ng isang print shop owner na si Jojo Pasia mula sa Lipa City, Batangas, kung saan naisipan niyang iimprenta sa suot na damit ang harap at likod ng kaniyang vaccination card, para aniya kapag pumasok na siya sa mga gusali o establisyimientong naghahanap nito, ay hindi na siya paulit-ulit sa paglalabas ng card.

Aniya sa panayam ng isang news site, naisip niya ang ideya matapos nilang lumuwas ng Maynila at mamili ng mga suplay para sa kanilang online business, sa Quiapo, Divisoria, at Baclaran.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

May be an image of 1 person
Jojo Pasia (Larawan mula sa FB/Discover Batangas)

May be an image of 1 person and standing
Jojo Pasia (Larawan mula sa FB/Discover Batangas)

Lahat na lamang aniya ng pintuan na pinapasukan nila ay hinihingian sila ng vaccination card. Kaya pag-uwi nila, naisip daw niyang mag-imprenta na nito sa damit.

Tutal naman daw, printing business talaga ang negosyo nila kaya nagsilbi na rin itong promotion. Sa katunayan, matapos maging viral ang kaniyang mga litrato ay marami na ang nagpadala sa kaniyang private message upang magpagawa sa kanila. Pati umano kapitan ng barangay nila ay nagpagawa na rin, aniya.

Nakompleto ni Pasia ang kaniyang vaccination shots noong Nobyembre 2021. Kapag nakapagpa-booster shot na siya, mag-uupdate umano siya ng vaccination shirt.

Ang vaccination card ay patunay o ebidensya na bakunado na sa first at second dose ang isang tao kontra COVID-19.

Samantala, kung gagayahin umano ang vaccination shirt ni pasia, makabubuting takpan ang ilang mahahalagang impormasyon o detalye na hindi dapat nakabantad, para sa data privacy.