BAGUIO CITY--- Asahan pa ang paglobo ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) dulot umano ng ‘community transmission’ ng mas nakakahawang Omicron variant.

Naitala sa magkasunod na araw ang bagong pinakamataas na kaso noong Biyernes, Enero 14 ang 536 kaso at noong Huwebes, Enero 13 sa bilang na 516, na nilagpasan nito ang unang highest record na 411 noong Setyembre 18, 2021, sa kasagsagan din ng nakamamatay na Delta variant.

Sa naitalang bagong kaso, 117 ang asymptomatic, 416 mild, isa ang severe, at dalawa ang kritikal habang 142 nakarekober at isa ang namatay. Umabot na sa 2,475 ang aktibong kaso.

Pinaalalahanan ng health authorities na ang isang bakunado ay hindi ligtas sa infections, subalit ang vaccines at booster ay napakahalagang proteksyon laban sa severe infections, hospitalization at pagkamatay.

Probinsya

Tricycle driver na nagselos at sinabihang maliit ang ari, sinaksak sekyu na pinagselosan!

Sa datos ng City Health Service Office (CHSO), nasa 33 porsyento ang ibinaba ng hospitalization sa mga active COVID-19 vaccinated patients mula Nobyembre 2021 hanggang unang linggo ng Enero 2022, kumpara sa magkaparehong buwan sa nakalipas na taon.

Dahil sa pangambang pagsipa ng Omicron variant, dumagsa sa mga vaccination sites ang magpa-booster sa pag-asang malaking tulong itong panlaban sa virus.

Sinabi ni Mayor Benjamin Magalong sa kanyang huling projection na ang kaso na maitatala sa lungsod ay nasa 400-500 kada araw kapag sumipa na ang Omicron variant.

Aniya, ang active cases ay posibleng umakyat sa 9,000-10,000.

Bagama’t wala pang opisyal na pahayag ang Philippine Genome Center na kung ang siyudad ay mayroon ng Omicron variant.

Malaki ang paniniwala ni Magalong na ang community transmission sa bagong variant ay nararanasan na dahil sa biglaang pagtaas ng kaso ng COVID.

“Malaking hamon sa atin ang variant na ito na hindi dapat ipagwalang-bahala at kahit sinasabing less severe lamag ito ay huwag po tayong pakampante, dahil nakakaapekto din ito sa ating kalusugan,” ani Magalong.

"We learned a lot from our Delta experience to make the needed adjustments and this makes us a lot more prepared now. The city saw doubling of the cases of admission at the isolation units which might be worse, thus the need to prepare," aniya pa.

Ayon pa kay Magalong karamihan din sa mga kaso ngayon ay pawang vaccinated at upang mapamahalaan ang mga kaso ay pinayagan ng siyudad ang home isolation para sa asymptomatic at mild patients, pero kailangang pumasa sa ito sa home quarantine standards. Ang mga severe cases naman ay kailangan i-admit sa mga ospital at temporary treatment and monitoring facilities (TTMF).

“Makaranas man tayo ng big number of cases, pero nakikita ko na kaunti lang ang magkakaroon ng severe symptoms at ma-ospital dahil sa matagumpay nating vaccination program at health protocol na ipinapatupad ng siyudad," anang alkalde.

“Napakahalaga po ngayon ang booster para sa proteksyon ng kalusugan laban sa severe symptom ng omicron at nananawagan ako sa hindi pa bakunado na huwag ipagwalang-bahala ang bakuna. Marami po tayong suplay at pwede na kayong mamili ng vaccine," dagdag pa niya.

Noong Enero 13, may kabuuang 585,469 vaccine ay naiturok sa lungsod (286,834 1st dose, 265,889 2nd dose), habang pumalo na sa 55,530 individuals ang nagpa-booster shot.

Zaldy Comanda