Kinansela ng Department of Education (DepEd) Schools Division Office (SDO) sa Pampanga ang klase sa lahat ng antas sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan sa susunod na linggo.

Batay sa anunsiyo ng DepEd Pampanga nitong Sabado sa kanilang Twitter account, nabatid na ang suspensyon ng klase ay magsisimula ng Enero 17 at magtatapos hanggang Enero 21, 2022.

Ayon sa DepEd SDO, layunin nitong mabigyan ng health break at makapagpagaling ang mga guro at mga mag-aaral sa lalawigan, na dinapuan ng karamdaman ngayong may surge ng flu at COVID-19.

Para naman sa suspensyon ng klase sa mga pribadong paaralan, sinabi ng DepEd SDO na, “Private schools, in consultation with their respective parents' associations, may exercise their own direction relative to the suspension of classes and K to 12 learning activities when Covid-19 risks in their respective areas are high.”

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Nauna rito, inihayag ng DepEd na maaaring magdeklara ang kanilang mga lokal na opisyal ng suspensyon ng klase ng hanggang dalawang linggo kung nakikita nilang maraming guro at mga mag-aaral ang dinadapuan ng sakit sa kanilang nasasakupan.

Nitong Biyernes, una na ring nagdeklara ang DepEd-National Capital Region (NCR) ng suspensyon ng klase sa rehiyon mula Enero 15 hanggang 22, 2022 upang mabawasan ang ‘health burden’ na dulot ng surge ng COVID-19.

Anang DepEd NCR, magbabalik ang klase sa rehiyon sa Enero 24, 2022.

Sa panahon ng health break, lahat ng synchronous at asynchronous classes ay suspendido rin muna, habang ang pagpapasa ng lahat ng academic requirements at iba pang teaching-related activities ay dapat na ilipat sa mas matagal pang petsa.

Mary Ann Santiago