Kinumpirma na ng Department of Health (DOH) nitong Sabado na ang National Capital Region (NCR) ay nakakaranas na ng community transmission ng mas nakakahawang Omicron variant ng COVID-19.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, bagamat hindi nakakahabol ang genome sequencing, natukoy na nila ang mga local cases ng naturang variant of concern sa NCR.

“Dito po sa National Capital Region, we are seeing the community transmission . . . Nitong omicron variant. Bagamat hindi po nakakahabol ang ating genome sequencing, we already have determined that there are local cases already,” paliwanag ni Vergeire, sa isang televised public briefing.

“Sa nakikita nating trend ngayon, ito po ’yung characteristic talaga ng Omicron variant, na mabilis na pagkalat, ’yung very steep rise in the number of cases . . . And doubling time po na every 2 days,” dagdag pa ng health official.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

Sinabi ni Vergeire na ang daily cases ng COVID-19 sa NCR sa nakalipas na linggo ay may average na 17,124.

Higit pa aniya ito sa doble ng 6,500 average number ng mga kaso noong mas unang linggo.

Ang rehiyon ay mayroon na rin aniyang nasa 149,000 aktibong kaso ng COVID-19 infections, na halos kalahati ng kabuuang bilang ng mga aktibong kaso ng sakit sa buong bansa.

Ani Vergeire, kung magpapatuloy ang trend, maaaring mapalitan na ng Omicron ang Delta variant bilang most dominant variant ng SARS-CoV-2 virus o COVID-19 sa bansa.

Mary Ann Santiago