Ikinagulantang at ikinatuwa ng mga netizen ang paglabas ng mga bagong kalendaryo ng White Castle Whisky nitong Enero 14, 2022, dahil 'game-changer' ang model nito---walang iba kundi ang internet sensation na si 'Sassa Gurl!'
BASAHIN: https://balita.net.ph/2022/01/15/sassa-gurl-bagong-calendar-model-ng-isang-whisky-brand/
"Noong 2021, ang calendar model namin, yung laging taga-luto tuwing may inuman."
"Ngayong 2022, ang calendar model namin, ang laging nagpapainom tuwing may inuman."
"Ang aming White Castle 2022 Calendar Model, walang iba kundi ang Mima n'yong busog, Sassa Gurl!" saad sa caption ng official Facebook post ng naturang brand.
Dagdag pa nila, hindi lang daw babae ang puwedeng maging calendar, na nakasanayan na.
"Maya na kayo mag-maoy. Sinong nagsabing babae lang pwedeng maging Calendar Model? Ilabas n'yo na ang White Castle at ang chaser, basta si Sassa Gurl ang pulutan ha? #SassaGurlWhiteCastle #DapatLightLang!"
Samantala, sa kaniyang Facebook post, pabirong tinawag ni Sassa Gurl ang atensyon nina Bea Alonzo at Chie Filomeno. Si Bea kasi ang Calendar Girl ng Tanduay habang si Chie naman sa Ginebra San Miguel.
"I-set na ang inom!!!! Ako na agad ang pulutan. Ano na Bea at Chie tara!!! SHOT PUNO!!! BASAGAN!!! chares," aniya sa kaniyang caption.
"Nagbunga na ang pagpapainom natin mga bakla! Para 'to sa mga baklang umaawra sa inuman at naze-zero, heto na tayo na ang naka-booking sa calendar gurl. INUMAN NA!!!!"
Nagbunyi naman ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community dahil binasag daw nito ang stereotyping sa pagkuha ng modelo sa mga kalendaryo, na kadalasan ay magaganda at seksing babae.
"Definitely a game-changer! Bea and Chie, tagayan na si Sassa Gurl namin! We love it!"
"CHEERS! Para sa lahat ng baklang nagpapabaha ng alak para maisakatuparan ang balak!!! Hahahaha."
"Breaking stereotypes and shattering glass ceilings? We stan SASSA GURL!!!"
"OMG! YESSSS! Imagine kung ilang batang badette ang pinangarap maging calendar girl noon. Legit na nakakatuwa."
Ngunit sino nga ba si Sassa Gurl?
Si Sassa Gurl ay may tunay na pangalan na 'Felix Petate, Jr.' mula sa Quezon City, na nakilala dahil sa kaniyang mga pagpapatawa sa TikTok, na mas sumikat sa kasagsagan ng pandemya noong 2020.
Sa isang panayam sa kaniya ng isang lifestyle and culture site sa TikToker noong Oktubre 2021, sinabi ni Sassa Gurl na wala siyang balak ipaayos ang kaniyang ngipin dahil dito siya nakilala ng mga tao. Panlaban umano ni Sassa Gurl ang kaniyang 'authenticity' o pagiging totoo sa sarili. Paninindigan daw niya ang pagiging 'Mima para sa lahat.'
"Si Sassa Gurl sa friends, unlike sa videos, hindi ganoon kabongga ang energy, especially kapag kasama ang mga straight people. ‘Yung sa videos splice lang ‘yun. May mood ako na super high energy, like gusto magpatawa, maging funny, but may mood din ako na gusto tahimik lang, cool lang, chill lang. As an anak, suwail ako minsan. hahaha, I’m a rebel, but sinusunod ko pa rin sila lalo na ang mudji ko," ani Sassa Gurl sa naturang panayam.
Naging madali lang umano ang naging journey ni Sassa sa TikTok dahil naging madali para sa kaniya ang mag-isip ng mga pang-aliw at nakakatuwang content; umabot pa nga sa 3M ang kaniyang followers, lalo't nakatambay ang mga tao sa social media dahil na rin sa ipinatupad na community quarantine.
Pero pagdating sa buhay, kagaya ng ilan ay lumaking mahirap si Sassa Gurl. Lumaki umano siyang hindi privileged. Hiwalay na raw ang kaniyang mga magulang, at kahit na nakatira sila sa isang malaking bahay, ay caretaker lamang sila.
Ang nagtulak umano sa kaniya upang gumawa ng content sa TikTok ay nang mawalan siya ng trabaho bilang call center agent, sa kasagsagan ng pandemya. Dito na rin siya unti-unting nakilala.
Mukhang magkakatotoo na ang naging sagot niyang 'The World' sa tanong na 'What's next for Sassa Gurl' dahil sa pagiging endorser/calendar girl niya ngayon ng whisky brand.