Tinalakay ng House Committee on Health sa pamumuno ni Rep. Angelina Tan M.D. (4th District, Quezon) at ng mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pinakahuling developments tungkol sa reimbursements at pagbabayad ng ahensiya sa mga ospital batay sa mga circulars nito na may kaugnayan sa COVID-19 benefit package claims.

Sa pagdinig, sinabi ni Tan na ang miting ay ginawa upang malaman ang status sa implementasyon ng mga circulars dahil sa pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa at ang mga report na may mga pribadong ospital ang nagbabalak na tumiwalag na sa PhilHealth.

Sinabi ni PhilHealth President at CEO Dante Gierran na hanggang nitong Enero 7, 2022, ang ahensiya ay nakapag-release na ng P12.05 billion sa 444 ospital sa pamamagitan ng Debit-Credit Payment Method (DCPM).

Ayon kay Giarran, ang PhilHealth ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga ospital upang ma-reconcile ang kanilang PhilHealth claims data.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Samantala, kinuwestiyon ni Rep. Stella Luz Quimbo (2nd District, Marikina City) ang PhilHealth officials tungkol sa kung gaano katagal nitong pinoproseso ang COVID-related claims.

Ayon kay Quimbo, hindi katanggap-tanggap na ang kaya lang ng PhilHealth ay magproseso ng 21 porsiyento sa loob ng dalawang taon, at ang ahensya ay kulang ng kumpletong datos sa "average number of days it takes to process unpaid claims.

“Kasi gusto po naming intindihin kung saan huhugot ang private hospitals. Malaking problema kapag mag-disengage ang lahat ng hospitals. Anong ibig sabihin no'n? Kailangan pumunta ang tao na walang pambayad sa public hospital lang, na hindi kakayanin ng ating public hospital system,” ani Quimbo.

Tiniyak ni Giarran sa komite na ang kasalukuyang in-process claims na P25.45-billion, ay babayaran nila sa loob ng anim na buwan. 

Bert de Guzman