Ipatutupad ng pamunuan ng MRT-3 ang "No vaccine, no ride" policy simula sa Lunes, Enero 17, 2022.
Inanunsyo ng MRT-3 ang pagpapatupad ng naturang polisiya upang maprotektahan umano ang kalusugan ng mga pasahero na sumasakay sa tren.
Ang mga pasaherong fully vaccinated lamang ang pahihintulutang makasakay. Kailangan lamang ipakita ang kanilang vaccination card at isang valid o government-issued ID sa security marshal ng istasyon.
Ayon sa Department Order, magtatagal ang "No vaccination, no ride/no entry" policy ng MRT-3 hangga't nasa Alert Level 3 pataas ang COVID-19 alert level status ng Metro Manila.
Binanggit ng pamunuan ng MRT-3 na hindi kasama sa "No vaccination, no ride" policy ang mga sumusunod:
-Mga pasaherong may medical condition kung kaya't hindi makapagpabakuna. Kailangang magpakita ng duly-signed medical certificate na may pangalan at detalye ng doktor sa security marshal.
-Mga taong kukuha o bibili ng essential goods tulad ng pagkain, gamot, tubig, medical and dental necessities, public utilities, at iba pa. Kailangang magpakita ng nararapat na dokumentasyon o patunay sa security marshal.
Gayunman, mahigpit pa rin ipinatutupad ang health and safety protocols laban sa COVID-19 sa buong linya, kagaya na lamang ng bawal kumain, uminom, makipag-usap sa telepono, at magsalita sa loob ng mga tren.
Mahigpit ding ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask at boluntaryong pagsusuot ng face shield.