Sinimulan na ng Mandaluyong City local government noong Huwebes, Enero 13, ang pamamahagi ng COVID-19 health kits sa mga residente nitong bilang bahagi ng pagsisikap nitong labanan ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Sinimulan na ng LGU ang pamamahagi ng health kits sa Barangay Addition Hills, pinangunahan ni Barangay Chairman Karlito Cernal ang mga empleyado ng LGU.
Sinabi ni Mayor Menchie Abalos, ang bawat health kit ay naglalaan ng gamot para sa ubo, sipon, at flu. May kasama rin itong Vitamin C, mentholated rub, alcohol, face mask, at tuwalya para sa bata at matanda.
“This kit is to prepare household members by strengthening their immune system with supplements and to prevent their sickness from getting worse should they develop any symptoms. We are also reminding everyone to avoid any leisure activities right now and stay at home,” ani Abalos.
Tiniyak ng alkalde na patuloy ang pamamahagi ng LGU ng mga health kits sa iba pang lugar sa Mandaluyong. Hinikayat din niya ang publiko na magpabakuna at magpabooster shot laban sa coronavirus.
Iniulat ng City Health Office (CHO) nitong Enero 12, nasa 1,103,840 na bakuna na ang na-deploy sa lungsod. Sa naturang bilang, 526,745 ang naturukan ng first dose habang 506,483 naman ang fully vaccinated.
Patrick Garcia