Nagpasya si Manila Mayor Isko Moreno na gawin nang 24-oras ang booster drive-thru caravan na kanilang inilunsad sa Quirino Grandstand nitong Huwebes, dahil sa dami ng mga taong nais mag-avail nito.

Sa kanyang Facebook Live, inianunsiyo ng alkalde na magsisimula ang 24-oras na booster drive-thru caravan mamayang alas-12:00 ng hatinggabi, Enero 14.

Nauna rito, dapat ay mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon lamang ang naturang booster drive-thru caravan ngunit marami ang pumila dito at lumampas sa itinakdang hanggang 300 sasakyan lamang.

Kaagad namang sinolusyunan ng alkalde ang naturang isyu at ginawang 24-oras na ang bakunahan doon.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“Dahil sa bilis nang pagtugon ng publiko, eto naman ang responde ng Maynila. The booster drive-thru is now available 24 hours,” anunsiyo pa ng alkalde.

Sa panig naman ni Vice Mayor Honey Lacuna, na siyang in-charge sa mass vaccination program ng lungsod, sinabi nito na unlimited booster shots na rin ang booster shots na ilalaan nila para sa naturang programa.

Anang alkalde, ginawa niya ang naturang desisyon matapos na tiyakin sa kanya nina Lacuna, Manila Disaster Reduction Management Office chief Arnel Angeles at Manila Traffic and Parking Bureau head Dennis Viaje, sa isang pulong na kaya nilang isagawa ang 24-hour booster vaccination.

“Madami naman tayong bakuna mula sa national government. Kaya hinihikayat din namin ang mga hindi pa nagpapabakuna na magpabakuna na,” dagdag pa ng alkalde.

Mary Ann Santiago