Kinukuyog ngayon ng mga netizen si Cavite Governor Jonvic Remulla dahil sa ginawa niyang informal at internal survey sa Twitter, para sa mga kandidato ng pagka-pangulo, noong Enero 11, 2022.

Bagama't burado na umano ang naturang tweet, marami sa mga netizen ang nakapag-screengrab ng resulta ng naturang informal survey, kung saan apat na kandidato ang pinagpilian.

"INFORMAL SURVEY: Kanino ang boto ninyo? P.S. Sorry, 4 na pangalan lang ang allowed ng Twitter (sad face), caption ni Remulla sa kaniyang pa-survey. Ang pinamilian ay sina Senador Panfilo Lacson, Senador Manny Pacquiao, dating Senador Bongbong 'BBM' Marcos, at Vice President Leni Robredo.

Batay sa resulta, nakakuha si Lacson ng 7%, si Pacquiao ay 1%, si Marcos ay 11%, at si Robredo naman ay 81% as of 8:21PM ng Enero 11, 2022.

Screengrab mula sa Twitter/Cavite Gov. Jonvic Remulla

Kapansin-pansin na marami na ang nakapag-retweet ng resulta, na batay sa survey na ito, ang nagwagi ay si VP Leni.

Ngunit ayon sa mga netizen, bigla umanong nabura ang naturang tweet at inilabas ang isang internal survey na isinagawa noong Disyembre 1-5, 2021. Ibinahagi niya sa kaniyang Facebook page nitong Enero 12 ang naging resulta ng naturang survey.

Aniya, ang naging respondents ng kaniyang internal survey ay mga rehistradong botante sa Cavite kung saan siya namamahala. Nag-quote pa siya ng ilang linya mula sa awitin ni George Canseco na 'Ngayon at Kailanman.'

"BAWAT BUKAS"

“Bawat kahapon ay daig nitong bawat ngayon, Na daig ng bawat bukas.” - George Canseco, Ngayon at Kailanman

"Maraming nagtatanong sa akin tungkol sa darating na #Halalan2022."

"Mainit ang usapan. Kanya kanyang manok ang laban."

"Ayaw ko na sana makihalo ngunit dahil sa isang deleted survey ko sa twitter na sadyang pinag-iinitan ngayon ng ilang kampo, narito naman ang internal survey na isinagawa sa 1,600 respondents sa buong Cavite nitong December 1-5."

Kaiba sa unang survey, limang pangalan ang naisama, idagdag pa si Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso. Batay sa resulta ng kaniyang survey, si BBM ang nakakuha ng pinakamataas na boto na 62%, si Lacson naman ay 16%, si VP Leni ay 9%, si Yorme Isko ay 6%, at si Pacquiao ay 4%.

Aniya, kung magaganap daw ang halalan ng mga oras na iyon, tiyak na mananalo si BBM sa Cavite sa pamamagitan ng landslide victory.

Dahil sa resulta ng survey, direktang idineklara ni Remulla na ang mananalong pangulo sa halalan 2022 ay si BBM at ito umano ay nakatadhana sa kaniya.

"Surveys are a snapshot in time. If the election was held today? BBM will win in Cavite by a landslide."

"I believe he will win the Presidency in 2022. It’s his time. It’s his destiny."

Screengrab mula sa FB/Cavite Gov. Jonvic Remulla

Inulan naman ng batikos si Remulla, lalo na sa mga tagasuporta ni VP Leni, dahil sa ginawa niya umanong pagbura sa naunang informal survey sa Twitter, gayundin sa pagdedeklarang si BBM nga ang tiyak na mananalo sa halalan 2022.

Narito ang ilan sa reaksyon at komento ng mga netizen:

"The audacity! Lakas ng loob mag-post ng Internal poll results with only 1600 respondents pero yung deleted poll sa twitter which garnered 20k plus votes, dedma? Integrity naman jan for breakfast."

"Dahil sa sinabi mo Gov. mas lalong minahal na kita ngayon!"

"Gov., your Twitter survey last night says otherwise---out of 20,466 who participated, 16,577 voted for Leni. If the election was held today? Leni will win in Cavite by a landslide. Caviteños are independent thinkers and intelligent voters."

"Gov., hanga po kami sa solidong serbisyo na ibinibigay n'yo sa mga Caviteño and we respect your decision when it comes to people you support and the people whom you campaigning for."

"Gov., sorry may resibo ako kasi I participated in that survey, and it's Leni!!! Pano ko ba i-paste yung screenshot dito? Haha. Bakit mo kasi binura? Ano ba problema Gov., di ba unofficial naman 'yun?

Noong nakaraang taon, sinagot ni Remulla ang isang tweet na nagsasabing ang pagiging neutral ay tanda ng kahinaan at ang mga Remulla sa Cavite ay “nauugnay sa mga Marcos at Duterte.”

Aniya, “There’s also a stark contrast between being neutral vs. being respectful and accommodating to all those knocking at our doors. There is no weakness in civility. The national candidates are welcome to campaign in Cavite. In the end, it’s up to the people to choose wisely."

BASAHIN: https://balita.net.ph/2021/11/26/jonvic-remulla-may-hiniling-kay-robredo-nang-bumisita-ito-sa-cavite/

Samantala, wala pang reaksyon o komento ang mga presidential candidates hinggil sa isyung ito.