Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng panibagong record-high na 34,021 mga bagong kaso ng COVID-19 nitong Huwebes, Enero 13, 2022, sanhi upang umabot na sa mahigit 237,000 ang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Batay sa case bulletin #670 na inisyu ng DOH, nabatid na umaabot na ngayon sa 3,092,409 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.

Sa naturang bilang, 7.7% pa o 237,387 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.

Sa mga aktibong kaso, 225,408 ang mild cases; 7,332 ang asymptomatic; 2,881 ang moderate cases; 1,468 ang severe cases; at 298 ang kritikal.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Nakapagtala rin naman ang DOH ng 4,694 bagong gumaling sa sakit, sanhi upang umabot na sa 2,802,286 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 90.6% ng total cases.

Nasa 82 naman ang iniulat na namatay sa karamdaman nitong Huwebes.

Sa ngayon, ang Pilipinas ay nakapagtala na ng 52,736 total COVID-19 deaths o 1.71% ng total cases.

Mary Ann Santiago