Binalaan ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso nitong Huwebes, Enero 13, ang mga indibidwal na lumalahok sa mga rally laban sa pagbabakuna sa lungsod, aniya, haharapin nila ang buong puwersa ng batas.

Noong Martes, Enero 11, sinabi ni Domagoso na isinampa na ang mga kasong kriminal laban sa apat na kataong lumahok sa isang rally na "No to Vaccination" sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.

“Basta kami uunawain ko kayo, hahabaan ko ang kamay ko, hahabaan namin ang pag-unawa, pero darating at darating sa punto ng buhay mamimili tayo sa itim at puti because we are always certain about our laws. Huwag kayo susubok sa Maynila, o kita mo sumubok kahapon ano ang napala?," ani Domagoso.

Sinabi rin ni Domagoso na ang mga naaresto ay kasalukuyang nakakulong sa Manila Police District (MPD) headquarters.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

“Basta andun lahat [sila] sa MPD, pwede nyo na bisitahin. Di ko na sila iniintindi basta tayo focus tayo sa bakunahan. Rally ka, goyo ka. Police matter ‘yan eh. Basta importante sinusunod nila ang tagubilin natin. Walang mangugulo sa Maynila," aniya.

Binigyang-diin ng alkalde na kung sinuman ang lalabag sa batas sa lungsod ay agad na parurusahan.

Patuloy na pinaalalahanan ni Domagoso na magpabakuna na ang mga hindi pa bakunado upang maprotektahan ang kanilang sarili mula sa virus.

“Pero kung kinakailangan proteksyunan natin ang higit na nakararami sa ating kababayan na nagdesisyon, nagmalasakit sa sarili, at tumugon sa pamahalaan, at nakiisa sa pamayanan na nagpabakuna, then I think its high-time to police those who are unvaccinated, to regulate their movement, to protect others. This is about protection of your family, of your neighbors, of our community, of our city and our country," babala niya.

Nakapag-administer na ang Lungsod ng Maynila ng 3,112,568 COVID-19 vaccine doses batay sa huling datos noong Miyerkules, Enero 12.