Agad na sinoplak ni senatorial candidate Robin Padilla ang isang basher na bumatikos sa mga inilatag niyang plataporma, na ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post.

Banat sa kaniya ng basher, 'Hoy Robin Padilla, tatakbo kang senador pero yung plataporma mo pang-Grade 6 class president," saad ng hindi pinangalanang netizen.

May be an image of text that says 'Hoy Robin Padilla ,tatakbo kang senador pero yung plataporma mo pang grade 6 class President. ٢'
Screengrab mula sa FB/Robin Padilla

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Agad naman itong sinagot ni Robin sa pamamagitan ng isang Facebook post nitong Enero 11.

"Opo."

"Ganon po ba grade 6 po ba."

"Kawawang Pilipinas, batid na palang grade 6 pero wala pa rin nagagawa 'yun mga kandidato ninyong sa ibang bansa pa nagsipag-aral."

"Mga paulit-ulit nang nakaupo at nangangako, galing na galing kayo sa plataporma dahil napakasarap basahin, 'yun iba palaliman pa sa wikang Ingles pero bakit po kaya wala pa rin nangyayari sa plataporma nila at sa ibinoto n'yo? Lalong naghihirap ang mahirap at yumayaman ang mayaman?"

"Ako po maayos ko lang po ang basic needs ng mga Pilipino."

"Katulad po ng pagkain sa lamesa, tamang sahod nila…"

"May tirahan…"

"Maging parehas hindi man sa katayuan kundi sa karapatan."

"Masaya na po ako at magiging masaya na rin po ang Pinoy no'n."

"Hindi po kailangan ang kumplikadong plataporma na puro porma lang ang nangyayari at drama lang sa media pero pag nanalo na ay nalimot na."

Aniya, kailangan daw ng aksyon sa mga plataporma at iyon daw ang gagawin niya, kahit na nililibak na pang-mag-aaral sa elementarya ang nilatag niyang mga plataporma.

"Aksyon po ang kailangan."

"Aksyon ng grade 6."

"Mabuti pa po 'yung grade school batid na ang problema sa bayan niya at 'yun ang Unitaryong sistema ng gobyerno na kahit na sino pa ang umupo kahit paulit-ulit pa sa puwesto ay mauuwi lang lahat sa basura ang mga pasiklab na platapormang matagal ng gamit sa kampanya at eleksyon."

"Puro kwento wala naman kwenta."

"Ang guminhawang buhay at yumaman hindi ang mga Pilipino kundi ang mga kandidatong may mga platapormang kumplikado at malalalim na Ingles."

Ipinaliwanag naman ni Robin na hindi siya apektado sa sinabi sa kaniya ng basher kundi nagpapaliwanag lamang.

"Hindi tayo nagpapaapekto diyan sa mga 'yan mga Utol. Sinasagot lang natin para mabatid din nila ang tama.

Nakalimutan ata nila ang kasaysayan. Utang nila ang kalayaan nila sa isang artista sa entablado. Ang Supremo Andres Bonifacio. The greatest speaker and organizer of all time. Kahit si Gat Jose Rizal hindi niya naabot ang skills ni Bonifacio sa pag-organisa at paglaban sa mga mananakop."

"Mulat sapul puro genius na ang iniluklok. Nasaan ang mga Pilipino ngayon? Baon sa utang. Ginawa ang gobyerno para irepresenta at aksyonan ang mga pangangailangan ng mga tao. 1897 pa ang gobyerno Naramdaman n'yo na ba? Yun mga mayayaman OO, ramdam na ramdam nila. Eh yung 80 porciento na mga Pilipino? Anong nararamdaman n'yo? Umasenso ba kayo sa plataporma ng mga genius?"

Samantala, mababasa sa website ni Robin Padilla ang kaniyang plataporma, na sa kabuuan ay tinawag niyang 'Rebolusyonaryong Pagbabago Para sa Responsableng Pilipino!' sa isip, sa salita, at sa gawa.