Kinontra ng dalawang kongresista ang patakaran ng Department of Transportation (DOTr) na 'no vax, no ride' o nagbabawal sa mga hindi pa bakunado na sumakay sa mga pampublikong sasakyan.

Sa pahayag ni Asst. Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, binira nito ang DOTr kaugnay ng nasabing hakbang dahil sa pagiging "unconstitutional, anti-poor at discriminatory" nito.

Ayon naman kay Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, imposibleng maipatupad ang nasabing patakaran ng DOTr sa gitna ng unti-unting pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.

“As chair of the House Transportation Committee, I understand where the DoTr is coming from. As much as we want perfect compliance to the minimum health standards set by the government including the capacity requirement for our public transport, it is almost impossible to enforce this,” pahayag ni Sarmiento.

Gayunman, umapela ito sa publiko na sundin na lang muna ang 'no vax, no ride' policy ng ahensya dahil sa lalong pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa at babawiin din ito ng gobyerno kapag bumalik na normal ang sitwasyon.

Sa panig naman ni Castro, dapat ipagpatuloy ng DOTr ang programa na magkakaloob ng libreng sakay patungo sa mga vaccination sites at tulungan din nito ang pamahalaan na kumbinsihin ang publiko na magpaturok upang magtagumpay ang bansa kontra COVID-19.

Ben Rosario