Tatalima ang Manila Bulletin (MB) sa utos na inilabas ng National Privacy Commission (NPC) na dumalo sa isang “clarificatory meeting” sa Enero 25, kung saan maghahapag ito ng mga ebidensyang nakuha hinggil sa umano’y pag-hack ng mga server ng Commission on Election (Comelec).

“We are also abiding by an NPC order not to disclose the pieces of evidence that were shared with us by a source on Jan. 8, 2022, in the NPC’s Jan. 25 meeting,” ani MB Technews Editor Art Samaniego, Jr. nitong Miyerkules, Enero 12.

Nauna nang naglabas ng utos ang NPC na humihiling sa Comelec at Samaniego na dumalo sa isang clarificatory meeting sa Enero 25, 2022 upang bigyang-linaw ang umano'y pag-hack at data breach ng mga server ng poll agency.

Ibinasura ni Comelec Chair Sheriff Abas bilang "fake news" ang ulat ng MB, kung saan lumabas umano na noong Enero 10, 2022, 60 gigabytes ng data ang na-download ng isang grupo ng mga hacker na maaaring makaapekto sa halalan sa Mayo 2022.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa isang panayam din sa CNN Philippines noong Miyerkules, sinabi ni Abas na "imposible" ang pag-hack ng impormasyon na hindi umiiral, at ang data na iko-configure sa mga vote-counting machine (VCMs) ay ilalagay pa rin sa sistema sa Enero 15.

Para rin kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, sa isang tweet, "peke," at "hindi totoo' ang lumabas na ulat.

Matatandaang noong Marso 2016, nagawang ma-breach ng mga haccker ang website ng Comelec habang nag-iwan ng mensahe na dapat itong magsagawa ng mas mahigpit na hakbang upang maprotektahan ang mga VCM.

Makalipas ang ilang oras, isa pang grupo ng hacker ang nag-post ng online link na umano'y nag-iimbak ng buong database ng ahensya.

Ang insidente noong 2016 ay inimbestigahan din ng NPC matapos maging banta ito sa impormasyon ng 55 milyong Pilipinong botante.

Alexandria Denisse San Juan