Naghahanda na ang pamahalaang lungsod ng Caloocan upang mabakunahan ng first dose ng COVID-19 vaccine ang mga batang may edad 5 hanggang 11 taong gulang.
Sa abiso ni Mayor Oscar Malapitan, maaari nang ipa-rehistro ng mga magulang ang kanilang anak na nasa nabanggit na edad sa online profiling (bit.ly/CaloocanProfiling5-11).
Para naman sa mga magulang na ang mga anak ay nag-aaral sa Caloocan City, maaari silang makipag-ugnayan sa mga eskwelahan dahil katuwang pa rin ng pamahalaang lokal ang DepEd para sa pagbabakuna ng nasabing grupo.
Kaugnay nito patuloy ang pagsasagawa ng mobile antigen swab testing sa mga barangay sa lungsod na may mataas na kaso ng COVID-19.
Kaninang umaga, dumaong ang mobile antigen sa Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan City.
Layon nito na ma-monitor ang mga nagkaroon ng virus nang sa ganoong paraan ay madala ito sa mga quarantine facilities at maiwasan ang hawaan.
Nanawagan ang alkalde sa kanyang mga kababayan na magpa-bakuna na ng COVID-19 vaccine, lalo pa’t may ordinansa na siyang nilagdaan na nagbibigay kaparusahan sa sinumang hindi bakunado na lalabas ng bahay at maglalakwatsa lang.
Orly L. Barcala