Iniulat ng independent monitoring group na OCTA Research na tumaas pa ang COVID-19 average daily attack rate (ADAR) sa National Capital Region (NCR) sa 89.42%, sanhi upang mailagay na ang rehiyon sa ‘severe outbreak.’

Ayon kay OCTA Fellow Dr. Guido David, ang 1-week ADAR ng NCR mula Disyembre 28, 2021 hanggang Enero 3, 2022 ay nasa 12.71% lamang.

Gayunman, pagsapit ng Enero 4 hanggang 10 ay umakyat ito sa 89.42%.

“The average daily attack rate increased to 89.42, which is above the Covidactnow threshold for a severe outbreak (greater than 75 per day per 100K),” tweet ni David.

National

Akbayan Party-list, nagpahayag ng suporta sa impeachment laban kay VP Sara

Ang ADAR ay tumutukoy sa incidence na nagpapakita ng average number ng mga bagong kaso ng sakit sa isang panahon kada 100,000 katao.

Samantala, ang seven-day positivity rate sa rehiyon ay tumaas din aniya sa 48% habang ang 7-day average cases ay naging 12,661 mula Enero 4-10 mula sa dating 1,800 lamang mula Disyembre 28- Enero 3.

Ang reproduction number naman ay bumaba aniya sa 5.22 mula sa dating 5.65, na indikasyong bahagyang bumagal ang hawahan.

Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring mahawa ng sakit ng isang pasyente.Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyong mabagal ang hawahan ng virus.

Ayon kay David, ang healthcare utilization rate ay tumaas pa ng 57% mula Enero 4-10 mula sa dating 27% lamang mula Disyembre 28-Enero 3.Maaari naman aniyang lumampas na ito sa 70% sa susunod na linggo.

Ang intensive care unit (ICU) occupancy naman na dating 29% lamang mula Disyembre 28- Enero 3 ay pumalo ng 52% mula Enero 4 hanggang 10.

Sa kabuuan aniya, ang NCR ay klasipikado na bilang very high risk sa COVID-19.

“Overall, NCR is classified as very high risk,” dagdag pa ni David.

Mary Ann Santiago