Nagbigay ng babala sa publiko ang isang netizen matapos mabiktima ang tiyahin nito ng umanong pekeng gamot na nabili sa isang tindahan.
Sa Facebook post ni Shane Tubig Fajardo, ibinahagi nito kung ano nga ba ang naging resulta ng pag-inom ng umanong pekeng gamot tulad ng pamamantal at pamamaga ng buong katawan.
"Ingat po kayo sa kumakalat ngayong pekeng gamot!!! Nakabili po ng pekeng gamot ang pinsan ko sa tindahan at ininom ng tita ko dahil hindi naman nila alam kung fake or original ang gamot ininom niya ito at ganyan na po ang nangyari namaga po ang buong katawan at mukha at puno ng pantal!" ani Fajardo.
Dagdag pa niya, imbes na gumaling ang kanyang tyahin ay nadagdagan pa ang nararamdaman nito dahil sa pag-inom ng pekeng gamot.
Hinimok naman niya ang mga tindahang nagtitinda ng gamot na suriing mabuti ang tinitindang gamot dahil baka peke ang binebenta ng mga ito.
Paalala naman ni Fajardo sa publiko, "Bago uminom ng gamot, ugaliing suriin muna po ito kung tunay o peke ang mga gamot bago inumin."
Matatandaan na noong Enero 6, naglabas ng pagsusuri ang pharmaceutical company na Unilab.
"We understand that many are concerned about the authenticity of the medicines they’ve purchased. Here is a quick guide on how to spot key differences between fake and authentic Paracetamol (Biogesic)."
Nagbigay ng halimbawa ang Unilab ng mga "authentic" at pekeng gamot. Ilan sa mga paghahambing na ipinakita nito ay kulay ng tableta, pocket, pattern, at mismong seal ng kompanya.
Maaari namang ipagbigay-alam mg publiko sa nasabing kompanya kung may namataan itong pekeng gamot.
Paalala naman ng Unilab, bumili lamang sa mga FDA-licensed drugstores at retailers.