Pinapaalalahanan nitong Martes, Enero 11, ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko na huwag maniwala sa mga fake news.
Ito ay kasunod ng pagkalat ng voice clip na nagsasaad ng pekeng impormasyon at nagsasabing ipatutupad ng gobyerno ang malawakang lockdown hanggang katapusan ng Enero kaya diumano ay kailangang mag-imbak ng maraming pagkain na sasapat ng tatlong linggo o higit pa.
Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos na iwasang maniwala at magpaloko sa mga kumakalat na impormasyon sa social media na dulot ay kaguluhan at takot sa mamamayan.
Aniya marapat munang alamin at iberipika mula sa mga lehitimong sources at pages ang mga nababasa, napapakinggan, at napapanood upang makasigurado.
Sinabi pa ni Abalos na may batas na magbibigay kaparusahan sa sinumang mahuhuling nagpapalaganap ng mga maling balita o impormasyon.
"Sa krisis na ating kinakaharap ay mahalaga na totoo at tama ang mga nalalaman upang maging mas ligtas at sigurado," ayon sa MMDA chief.
Aniya pa, maging responsable at maingat sa mga ipinopost at ibinabahaging impormasyon sa social media.
Bella Gamotea