Pinalawig pa ni Manila Mayor at Aksyon Demokratiko Presidential candidate Isko Moreno ng hanggang 70-araw ang deadline sa renewal ng business permit at pagbabayad ng obligasyon sa lokal na pamahalaan ng Maynila.
Nabatid na ang orihinal na deadline nito ay sa Enero 20, 2022 ngunit nagpasya ang alkalde na palawigin pa ito ng hanggang Marso 31, 2022 dahil sa pagtaas ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
“Para naman po sa ating business sector, pinirmahan ko na po kanina ang Resolution No. 289 kung saan ay inextend po natin ang deadline ng payment for business ng 70 DAYS,” anang alkalde.
“Deadline of payment is now until March 31. Waived na rin po ang anumang interest, penalties at surcharges,” aniya pa.
“Pag Enero, alam ko sabay-sabay ang nagpupunta to renew business permits at magbayad ng obligations to the city. Dahil sa pagbulusok ng impeksyon, minabuti naming before the January 20 deadline ay i-extend na ito ng 70-araw pa, para maiwasan ang pagsasabay-sabay,” ayon kay Moreno.
Pinasalamatan rin naman ni Moreno sina Vice Mayor at Manila City Council Presiding Officer Honey Lacuna, Majority Floor Leader Atty. Joel Chua, at President Pro Tempore Jong Isip dahilsa mas mabilis na pagpasa sa Council Resolution 289 na nagpalawig sa naturang deadline.
“Para dahan-dahan lang. Sa ganitong paraan man lamang ay malaman ninyo na may gobyerno, na inuunawa namin kayo at ang sitwasyon ninyo na while you want to pay, inuunawa din naming ang kaligtasan ninyo,” dagdag pa ng alkalde.
Mary Ann Santiago