Napa-throwback ang aktor na si Joross Gamboa dahil sa isang madamdaming Facebook post ng Pinoy rapper na si 'Smugglaz' na kasama rin sa cast ng longest-running action drama series na 'FPJ's Ang Probinsyano' sa Kapamilya Network.
Ibinahagi kasi ni Smugglaz sa kaniyang Facebook post ang throwback photo niya habang nagra-rap sa Boystown Complex sa Marikina, kung saan nagdiwang naman ng kaniyang kaarawan si Joross, na noon ay artista na. Si Joross daw, na nakasama niya sa serye ni Coco Martin, ang unang artistang naniwala sa kaniyang kakayahan noon.
"Galingan mo pa malayo mararating mo!" sabi raw ni Joross sa kaniya.
At makalipas ang ilang taon, natupad ang sinabi sa kaniya ng aktor, hanggang sa magkasama nga sila sa isang teleserye.
Sa isang appreciation Facebook post ni Joross, sinabi niyang natuwa siya sa mga sinabi ni Smugglaz.
"Nakakatuwa naman post ni Smugglaz throwback noong 2005 bata palang siya (13 yrs. old) pa lang ata siya dito at di pa sikat na rapper. Pero noong naghalungkat ako ng mga pictures sa baul, nakita ko na 'di lang siya ang nandoon na batang nagsisimula pa lang," kuwento ni Joross.
Natuklasan niya na kasama pala niya noon ang mga sikat na aktor ngayon na sina Edgar Allan 'EA' Guzman at Gerald Anderson na kasa-kasama niya sa pagsayaw.
"Si EA Guzman (yellow arrow) (14 yrs old) at Gerald Anderson (red arrow) (16 yrs old) ay nandito din, parehas silang di pa artista din dito at oo sumasayaw kami ng #totoybibo ni Vhong Navarro sa Boystown celebration ng birthday ko 12 yrs old ata ako dito (wag na kumontra), anyways nakakatuwa lang makita na ang layo na nang narating nila at talagang di nakakalimot lumingon sa pinanggalingan."
May paalala naman si Joross sa lahat ng mga taong may pangarap.
"Kaya kayong lahat pagpatuloy n'yo lang ang inyong mga pangarap kung ano man eto at laging wag kakalimutan ang mahal nating Panginoon maganda man o hindi ang ating mga sitwasyon! Godbless everyone! #pangaRap #EAGuzman #GeraldAnderson #Smugglaz."