Upang maiwasan ang panibagong pagdami ng mga impeksyon sa coronavirus disease (COVID-19), itinutulak ng public health expert at dating National Task Force (NTF) against COVID-19 special adviser na si Dr. Anthony “Tony” Leachon sa pamahalaan na magpatupad ng Alert Level 4 status sa Metro Manila.
Sa isang panayam sa DZRH noong Martes, Enero 11, binigyang-diin ni Leachon ang kahalagahan ng paglalagay sa Metro Manila sa ilalim ng mas mataas na alert level status.
“Ang kailangan mong gawin dyan, in a rapidly transmissible variant, is to slow down the virus. You have to do what is right. Kailangan itaas mo ang Alert Level 3 to Alert Level 4 para hindi kumilos ang mga tao at gamitin itong dalawang linggo hanggang apat na linggo para kumuha ng test kits, ihanda ang mga tao, at magpa-booster,” sabi ni Leachon.
Muli ring iginiit ni Leachon na kung patagalin pa ng gobyerno ang pasya, maaaring masakop ng hawaan ng Omicron variant sa buong isla ng Luzon.
“Sa nakikita ko hindi bababa ang cases, kasi sa bawat pagdami ng tao [na may sakit], mag mu-multiply nang mag mu-multiply ‘yan. Kapag pinatagal pa natin ito, [sa] buong Luzon ay kakalat at kakalat itong Omicron.”
Samantala, sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na ang healthcare utilization sa Metro Manila ay hindi pa umabot sa threshold na kinakailangan para sa Alert Level 4. Gayunpaman, sinabi niya na "posible" para sa rehiyon na mailagay sa ilalim ng alert level status na itok kung saan "naghahanda para rito" ang pambansang pamahalaan.
Ang Alert Level 4, ang ikalawa sa pinakamataas sa alert level system ng bansa, ay maaari lamang ideklara sa mga lugar kung saan ang bilang ng kaso, ang bed utilization at ang intensive care utilization rate ay mataas at tumataas.
Charlie Mae F. Abarca