Dedesisyunan umano ng First Division ng Commission on Election (Comelec) ang mga disqualification cases na kinakaharap ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bago ang Enero 17.
“On or before Jan 17 the @COMELEC First Division will promulgate its Resolution on the DQ cases versus Marcos Jr. If not too risky, we will read it in the Session Hall, on live stream,” ayon pa kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon sa kanyang Twitter account.
Una nang isinumite ng Comelec para sa resolusyon ang disqualification case laban kay Marcos na inihain ni Abubakar Mangelen na umano’y duly elected chairman ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ni Marcos.
Ayon kay Mangelen, ang pag-isyu ng PFP ng certificate of nomination of acceptance kay Marcos ay “unauthorized, defective, invalid and void.”
Samantala, ang dalawa pang disqualification cases na inihain naman ng mga Martial Law survivors sa pangunguna ni Bonifacio Ilagan at Akbayan Citizen’s Action Party ay consolidated na.
Nangangahulugan ito na ang dalawang petisyon ay magkakaroon ng joint decision.
Ayon sa grupo ng petitioners, ang pagka-convict kay Marcos sa kasong hindi pagbabayad ng buwis at hindi paghahain ng income tax returns (ITRs) ay may katapat na parusang perpetual disqualification from public office.Ang naturang tatlong disqualification cases laban sa dating senador ay pawang hawak ng First Division ng poll body.
Mary Ann Santiago