NORTH COTABATO – Patay ang isang limang-gulang na batang lalaki habang anim na iba pa ang sugatan matapos sumabog ang isang improvised explosive device sa isang pampasaherong bus sa bayan ng Aleosan, Martes ng umaga, Enero 11.

Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Benjamin Solaiman, residente ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Kinilala ang mga sugatang biktima na sina Haron Solaiman Jr., 5 months old at Yushra Solaiman 3, kapwa kapatid ni Benjamin, Rodolfo R. Castillo, 67, ng Toril Davao City; Lester Alkane Bautista, 17, at residente ng Poblacion, Pikit, Cotabato, Haron Solaiman Sr., 24, at residente ng Kidapawan City at Masid Benjamin,25, at residente ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Sinabi ni P/Captain Arvin John Cambang, hepe ng Aleosan Police, na binabaybay ng pampasaherong bus na pag-aari ng Mindanao Star Inc. ang national highway sa Barangay San Mateo, Aleosan patungo sa Cotabato City mula Davao City nang sumabog ang bomba sa loob ng isang bagahe pasado alas-8 ng umaga nitong Martes.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi ng mga saksi sa pulisya na sumakay sa bus sa bayan ng Pikit ang hindi pa nakikilalang suspek at iniwan ang mga bagahe matapos itong bumaba ng bus sa Aleosan National High School.

Sinabi ni Cambang na nangangalap na ang mga imbestigador ng ebidensya kabilang ang CCTV footage ng bus upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.

Kinondena ni PB/Gen. Alexander Tagum, police regional director, ang terror attack na nagbiktima hindi lamang ng mga inosenteng sibilyan ngunit kabilang ang mga menor de edad.

Joseph Jubelag