Umabot na sa kabuuang 147 na empleyado at anim na pasahero ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang nagpositibo sa COVID-19.
Sa Laging Handa public briefing nitong Martes, sinabi ni MRT-3 Director for Operations Michael Capati na ang naturang 147 bilang ng mga empleyado na nagpositibo sa impeksiyon ay naitala hanggang nitong Enero 10.Kabilang sila sa may 753 empleyado na sumailalim sa RT-PCR swab tests. Kaagad naman umano silang nag-isolate at nag-home quarantine matapos na magpositibo sa karamdaman.
“Lahat diyan ay naka-isolate at home quarantined na lahat,” ani Capati.
Sa kabila naman nito, tiniyak rin naman ni Capati na ang mga serbisyo ng MRT-3 ay magpapatuloy pa rin sa 70% capacity.
Iniulat rin naman ni Capati na bumaba ang bilang ng kanilang mga mananakay simula nang magkaroon muli ng COVID-19 surge sa Metro Manila.
Nabatid na mula sa 200,000 pasahero, umaabot na lamang umano sa 140,000 ang mga sumasakay sa MRT-3 araw-araw.
Maaari umanong maraming tao ang nagpapasyang huwag na lamang lumabas ng bahay ngayon dahil sa dumaraming pasyente ng COVID-19 sa rehiyon.
Samantala, mayroon rin umanong anim na pasahero ng MRT-3 na nagpositibo sa COVID-19, kasabay nang isinasagawang random antigen tests sa mga ito.
Nabatid na may 48 pasahero ng MRT-3 ang naisailalim sa naturang pagsusuri nitong Martes ng umaga at anim sa kanila ang nagpositibo sa tests, na isinagawa sa North Avenue, Cubao, Shaw Boulevard at Taft Avenue.
Ang mga nagpositibo sa sakit ay hindi na pinayagan pang makasakay ng tren at sa halip ay pinayuhan na umuwi na lamang at mag-isolate at kontakin ang kani-kanilang local government units (LGUs).
Mary Ann Santiago