Nagpasya ang pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na suspendihin muna ang kanilang lotto draw operations simula nitong Lunes, Enero 10, hanggang Miyerkules, Enero 12, kasunod na rin nang pagdaming muli ng mga naitatalang mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.

“Dahil sa patuloy na pagtaas ng talaan ng COVID positive cases sa atin bansa at upang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan at kapakanan ng PCSO employees mga ahente at ng publiko pansamantala naming sususpendihin ang lotto draw operations mula sa araw na ito ika-10 ng Enero hanggang sa ika-12 ng Enero. Ito ay upang magsagawa ang kaukulang hakbangin sa seguridad ng lahat,” anunsiyo pa ng PCSO.

Nilinaw naman ng PCSO na ang mga lotto outlets nila ay mananatiling bukas para sa mga nais na bumili ng ticket para sa digit/jackpot games, Keno at instant sweepstakes.

Patuloy pa rin anila ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 4 hanggang Alert Level 1 base sa resolusyon ng Inter-Agency Task Force (IATF).

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Anang PCSO, magsasagawa na lamang sila ng catch-up draws para sa mga nabiling tiket sa mga araw na wala silang bola.

“Mangyari pong pakaingatang mabuti ang inyong mga tickets dahil magsasagawa po tayo ng catch-up draws sa unang araw nang pagbabalik ng aming draw operations na inyong mapapanood sa aming website (www.pcso.gov.ph) at Facebook accounts (PCSO and PCSO Games Hubs),” ayon pa sa PCSO.

“Manatili po tayong ligtas, at palagiang sundin ang minimum health protocols upang masugpo ang pagkalat ng COVID-19 virus sa madaling panahon,” anito pa.

Muli rin namang hinikayat ni PCSO vice chairperson at general manager Royina Garma ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga PCSO games upang makatulong sa mga nangangailangang mamamayan.

Mary Ann Santiago