Nasa P12 bilyon na ang halaga ng pinsala na dulot ng bagyong Odette sa sektor ng agrikultura sa bansa, sabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Lunes ng umaga, Enero 10.
Batay sa datos na inilabas ng Regional Disaster Risk Reduction and Management (DA-DRRM) Operation Center ng DA, umabot na sa P11.7 bilyon ang pinsala at pagkalugi kasunod ng paghagupit ng bagyo, kung saan ang Visayas at Mindanao ang pinaka-apektado.
May kabuuang 411,038 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan, na may bolyum ng production loss sa 267,369 metriko tonelada (MT) sa 442,674 ektarya ng mga agricultural areas.
Malaking pagkalugi ang naiulat sa produksyon ng palay, mais, mataas na halaga ng mga pananim, niyog, tubo, abaka, hayop, pangisdaan.
Sinira rin ng bagyo ang mga imprastraktura, makinarya, at kagamitan sa sektor.
“Additional damage and losses are expected in areas affected by Odette,” sabi ng pahayag.
Ang departamento ay naglaan ng hindi bababa sa P2.9-bilyong tulong sa mga magsasaka at mangingisda na nabiktima ng bagyo.
Faith Argosino