Sa halip na takutin ang mga hindi bakunadong indibidwal sa pamamagitan ng mga pagpaparusa, para naman kay presidential aspirant Vice President Leni Robredo nitong Linggo, Enero 9, nais niya na bigyan sila ng insentibo ng gobyerno para hikayatin pa ang mas maraming Pilipino na magpabakuna.

“Pero babalik ako doon sa dati kong paniniwala na kailangan nagbibigay tayo ng incentive para magpabakuna iyong mga tao. Dapat iyong pag-incentivize sa mga tao para magpabakuna dapat tuloy-tuloy iyon,” dagdag niya.

Binigyang-diin ng Pangalawang Pangulo na ang gobyerno ay hindi dapat gumamit ng mga "parusa" laban sa mga hindi nabakunahan.

“Kapag hindi ka nagpabakuna, huhulihin ka. Kapag hindi ka nagpabakuna, ganito. Mas mabuti sana mas positive, na pag nagpabakuna ka, ito yung mae-enjoy mo na,” paliwanang ni Robredo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang diskarte ay dapat na "positibong reinforcement."

Ito ang kanyang mga pahayag matapos ipag-utos ni Pangulong Duterte sa mga opisyal ng barangay na higpitan ang paggalaw ng mga hindi bakunadong residente.

Hindi rin sila tinatanggap sa ilang commercial establishments, na sinang-ayunan ni Robredo dahil karapatan ng mga establisyimento na ito na tanggihan ang pagpasok sa mga hindi pa nabakunahan.

Ikinalungkot ni Robredo na nang bumaba ang arawang kaso ng COVID-19 mula Nobyembre hanggang Disyembre, naging kampante ang gobyerno sa paghimok sa mga tao na magpabakuna.

Ito ay sa kabila ng pagkakaroon ng mas maraming suplay ng bakuna sa COVID-19.

Binigyang-diin niya ang pangangailangang maging "malikhain" sa pakikipag-ugnayan sa mga tao para mabakunahan sila, habang binanggit ang mga komunidad ng Aeta sa Capas, Tarlac na nagawang hikayatin ng Office of the Vice President (OVP) Vaccine Express na magpabakuna.

Ang Vaccine Express ni Robredo, na naglalayong dagdagan ang kapasidad ng mga local government units (LGUs) sa pagbabakuna sa kanilang mga residente, ay nag-aalok ng iba't ibang insentibo tulad ng limang kilo ng bigas at P500 gas coupon.

Sa ngayon, ang Pilipinas ay mayroong 50,627,196 na ganap na bakunadong indibidwal. May 2,207,941 na indibidwal din ang nabigyan ng kanilang booster shot.

Noong Sabado, Enero 8, nakapagtala ang bansa ng 26,458 kaso, isa na namang bagong record-high. Naniniwala ang mga eksperto na ito ang epekto ng napaka-transmissible na variant ng Omicron, pati na rin ang pagluluwag sa mga tao noong panahon ng kapaskuhan.

Raymund Antonio