Unti-unti na umanong nililimitahan ng Philippine General Hospital (PGH) ang pagtanggap nila ng mga non-COVID patients.

Ayon kay PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario, apektado na rin ng pagdami ng COVID-19 cases ang kanilang manpower kaya’t nagpasya silang limitahan ang pagtanggap ng mga pasyente hindi naman COVID-19 ang sakit.

Ani del Rosario, sa pamamagitan nang paglimita sa bilang ng mga non-COVID patients, maaaring mag-reassign ang pagamutan ng kanilang health workers sa COVID-19 operations.

Nakatanggap na nga aniya sila ng direktiba na tanging mga tunay na emergency cases lamang ang kanilang tatanggapin.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Unti-unti na we're limiting our admissions of the non-COVID patients. In fact, mayroon na kaming directive na we will only take real emergencies,” pahayag pa niya sa panayam sa teleradyo. “Tinigil muna po ang pag-admit sa mga elective cases para bumaba ang non-COVID [patients], and then now you can import or reassign some of the non-COVID personnel back to the COVID operations.”

Sinabi ni del Rosario na tinatayang aabot sa 2,000 health workers nila ang sangkot sa COVID-19 operations ng PGH, ngunit 40% ng mga ito ay nasa isolation o naka-quarantine dahil sa respiratory illness.

Pinayagan na rin naman aniya ng pagamutan ang mga health workers na na-exposed sa virus na huwag nang mag-quarantine kung ang mga ito ay asymptomatic o walang sintomas ng sakit, upang patuloy silang makapag-operate.

Ipinaliwanag ni del Rosario na kung gagamitin nila ang conventional na rekomendasyon na 10 hanggang 14-araw na quarantine ay mauubos ang kanilang mga health care workers.

“Kung hindi natin sila ika-quarantine lahat, mga 25% percent lang po [ng health workers] ang naka-isolate. So that's probably manageable,” aniya pa.

Samantala, nagpahayag naman ng kalungkutan at galit si Alliance of Health Workers (AHW) President Robert Mendoza sa naturang pinaikling quarantine period ng mga medical frontliners na nalantad sa COVID-19.

Ayon kay Mendoza, kahit walang sintomas ng sakit ay maaari pa ring makapanghawa ng virus ang mga health workers.

“Possible nandiyan sa'yo 'yong virus. Puwede ka pang makahawa kasi hindi naman guarantee na 'pag asymptomatic ka, automatic 'di ka na makakahawa,” aniya sa hiwalay na panayam.

Hinikayat pa niya ang Department of Health (DOH) na resolbahin ang problema sa kakulangan sa staff ng mga pagamutan at bigyan ng benepisyo ang mga health workers na hindi makapagtrabaho matapos na dapuan ng virus.

Sinabi naman ni del Rosario na nauunawaan niya ang mga pangamba ng ilan sa bagong polisiya ngunit tiniyak na ang mga health workers ay fully-vaccinated na laban sa COVID-19.

Siniguro rin niya na ang kanilang mga staff ay magpapahinga rin sa trabaho sa sandaling makaramdam ng sintomas ng COVID-19.

Nabatid na sa kasalukuyan, ang PGH, na siyang pinakamalaking COVID-19 referral center sa bansa, ay mayroon nang 300 COVID-19 beds na may 251 admitted virus patients.

Tiniyak naman ni del Rosario na ia-adjust nila ang bilang ng mga beds kung mas darami pa ang bilang ng mga pasyente na kailangang i-admit.

“Ang mangyayari eventually, we might have to convert the non-COVID beds to COVID beds kapag maraming pasyente,” aniya pa.

Una na rin namang hinikayat ng pamahalaan ang mga taong may mild na sintomas lamang ng COVID-19 na mag-home isolation na lamang upang hindi ma-overwhelmed ang healthcare system ng bansa.

Mary Ann Santiago