Naging mapayapa sa pangkalahatan ang ginawang pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila nitong Linggo bunsod na rin nang mahigpit na pagbabantay ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa paligid ng Minor Basilica of the Black NazareneoQuiapo Church.

Matatandaang kinansela ng Simbahang Katolika at ng Manila City government ang pagdaraos ng tradisyunal na Traslacion para sa Poong Nazareno at hindi muna pinayagan ang pisikal na pagdalo ng mga deboto sa banal na misa upang maiwasan ang posibleng hawahan ng COVID-19.

Sa kabila nito, may ilang mga deboto pa rin ang nagtangkang magtungo sa simbahan ng Quiapo upang magsimba ngunit pinigilan sila ng mga nakabantay na mga pulis at pinayuhang sa kani-kanilang mga bahay na lamang dumalo ng banal na misa para sa pista ng Quiapo.

Ayon kay MPD Public Information chief PMajor Philipp Ines, nasa 2,000 mga pulis ang ipinakalat nila sa paligid ng Quiapo at mga kalapit na lugar upang magbantay sa anumang posibleng kaganapan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang iba naman ay nakaantabay lamang sakaling kailanganin silang i-deploy.

Wala naman aniyang naitalang anumang untoward incidents na may kaugnayan sa okasyon.

“Hanggang sa mga oras na ito, walang kaganapang pupukaw sa aming kamalayan....Payapa at matiwasay,” pagtiyak pa ni Ines.

“Kapag may nakikita na kami na lumalapit na at nagtatangkang pumasok, nilalapitan na namin sila at pinapaalis. Sinasabihan namin na sa bahay na lamang sila dumalo ng misa on line,” ayon naman kay PLTCOLJohn Guiagui, station commander ng MPD-Police station 3.

Naging masunurin naman aniya ang mga deboto at mapayapang nagsiuwi sa kanilang mga bahay.

Sinabi ni Guiagui na sinimulan nila ang pagsasara sa mga kalsada na maaaring daanan ng mga deboto simula pa noong Biyernes kaya tiyak nila na walang makakalusot.

Samantala, dahil naman sa ang pista ng Quiapo ay natapat sa pagsisimula ng election period, naglagay na rin ng mga checkpoints ang MPD sa iba't ibang lugar sa lungsod, kasabay nang mahigpit napagpapatupad ng gun ban. 

Mary Ann Santiago