Nakapagtala ng mataas na COVID-19 average daily attack rate (ADAR) ang National Capital Region (NCR) at Cainta, Rizal sa nakalipas na linggo, batay sa ulat ng independent monitoring group na OCTA Research nitong Linggo.

Ayon sa ulat ng OCTA, na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, nabatid na ang NCR ay nakapagtala ng 59.81% na ADAR habang ang Cainta naman ay nakapagtala ng 55.37%.

Ang NCR rin aniya ang nakapagtala ng pinakamaraming COVID-19 infections mula Enero 2 hanggang 8 na may average na 8,468 mga bagong kaso.

Ito ay 785% na one-week growth rate kumpara sa dating average na 957 new cases mula Disyembre 26, 2021 hanggang Enero 1, 2022.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sumunod naman sa NCR ang Cainta na nakitaan ng 1,343% one-week growth rate o mula sa dating 14 na weekly average ng mga kaso ay naging 202 nitong nakalipas na linggo.

“ADAR of NCR [and] Cainta at over 50 per day per 100k,” tweet pa ni David.

Samantala, ang iba pang local government units (LGUs) na may mataas na ADAR ay ang mga lugar sa Cavite, kabilang ang General Trias na may 32.35%, Imus na may 31.74%, at Bacoor na may 1.71%.

Sa Bulacan naman, nakitaan ng 28.45% na ADAR ang Meycauayan habang ang Marilao ay nakapagtala ng 27.59%.

Ang San Mateo, Rizal naman ay nasa 27.62%.

Nakapagtala naman ang mga lugar ng Antipolo, Dasmariñas, San Jose del Monte, Taytay, Santa Rosa, Rodriguez, San Pedro, Marilao, Santa Maria, Biñan, Malolos, at San Fernando, Pampanga ng pagtaas ng COVID-19 infections.

Ang pinakamataas naman na one-week growth rate ay nakita sa Calamba, Laguna na may 1,750%.

Nabatid na ang naturang bayan ay nakapagtala lamang ng average na apat na kaso mula Disyembre 26 hanggang Enero 1 ngunit tumaas ito sa 74 average cases mula Enero 2 hanggang 8.

Mary Ann Santiago