Naglabas ng mga alituntunin na maglilimita sa mobility ng mga indibidwal na hindi pa bakunado laban sa COVID-19 ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela City noong Biyernes, Enero 7.
Sa ilalim ng Ordinance 976 Series of 2022 na nilagdaan ni Mayor Rex Gatchalian noong Enero 4, ang mga residenteng hindi pa nakakakuha ng bakuna laban sa coronavirus ay dapat manatili sa loob ng kanilang mga tahanan maliban sa pagbili ng mga kailangang produkto at serbisyo.
Pinapayagan silang magsagawa ng mga indibidwal na ehersisyo sa labas hangga't ito ay nasa loob ng pangkalahatang lugar ng kanilang mga tirahan.
Hindi rin pinapayagan ang mga ‘di pa bakunadong indibidwal na lumabas para sa paglilibang o para manatili sa mga mall, sports at country club, o hotel, kainan(parehong panloob at panlabas), pisikal na pagdalo sa mga event, domestic travels sa lupa, dagat o himpapawid (maliban sa mga mahahalagang layunin).
Dapat ding sumailalim ang mga manggagawa sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) tests tuwing dalawang linggo at dapat magpakita ng negatibong resulta para matanggap sa trabaho (maaaring gumamit ng mga mabilis na pagsusuri kagaya ng antigen kung sakaling hindi kaagad magagamit ang RT-PCR tests).
Ang mga residenteng mahuhuling lalabag sa ordinansa ay pagmumultahin ng P500 sa unang paglabag, P1,000 sa pangalawang pagkakataon, at 2,000 sa ikatlong paglabag.
Nakasaad din sa ordinansa na ang mga parusa para sa mga korporasyon, partnership, o entity na makikitang lumalabag sa mga probisyon ay:
First offense – Magmulta ng P1,000 o pagkakulong ng hindi hihigit sa isang buwan
Pangalawang paglabag – P3,000 na multa o pagkakakulong ng hindi hihigit sa dalawang buwan ngunit hindi bababa sa isang buwan
Ikatlong pagkakasala – P5,000 multa o pagkakakulong ng hindi hihigit sa tatlong buwan ngunit hindi bababa sa dalawang buwan
Ang mga general manager, presidente, o mga taong kumikilos sa ngalan ng mga korporasyon o partnership ay mananagot, at mapaparusahan din ang mga indibidwal o establisyimento na namemeke ng COVID-19 vaccination card, idinagdag nito.
Hinimok ng lokal na pamahalaan ang hindi pa nabakunahan na residente na bisitahin ang mga lugar ng pagbabakuna sa lungsod upang maging protektado laban sa banta ng COVID-19.
Aaron Homer Dioquino