Bagaman ipinunto ni Kapamilya Partylist First Nominee Jerry Gracio ang umano’y pagiging kakampi ni yumaong National Artist for Literature F. Sionil Jose kay Pangulong Duterte, at sa paraang ito siya maaalala ng tao, nilinaw niyang nalulungkot at nakikiramay siya sa mga naulilang kaanak ng beteranong manunulat.

Basahin: Jerry Gracio, nalungkot sa iniwang alaala ni F. Sionil Jose — pagkampi kay Duterte – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Sa isang Facebook post kalakip ang larawan ng mensahe ng isang nagpupuyos na netizen kung saan inakusahan si Gracio ng panlalait kay Jose, nagpaliwanag ito sa kanyang mga punto.

“Mga Kapamilya: Para malinaw, hindi ko nilait si F. Sionil Jose, nalungkot ako sa kanyang pagkawala, at nakikiramay sa kanyang mga naulilang kaanak, kaibigan, kasama sa panulat,” ani Gracio.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Aniya, binasa rin niya ang mga akda ni Jose at sa katunayan ay nagsulat din siya ng isang adaptasyon ng “Puppy Love,” isang maikling kuwento ng national artist.

“Pinahahalagahan ko ang mga akda ni FSJ, at lagi kong sinasabi na dapat basahin, lalo na ng soap opera writers ang Rosales Saga dahil sa mga soap elements sa mga nobelang ito,” sabi ni Gracio.

Gayunpaman, inamin din ni Gracio na “may isang panahon” na ninais niyang maging abo ang mga libro ni Jose ngunit hindi niya ito ginawa “dahil ang aklat ay aklat at dapat ingatan, panig ka man o hindi sa mga nakasulat dito.”

Sunod na nilinaw ni Gracio ang kaniyang naunang punto.

“Nalungkot ako sa kanyang pagkawala. Pero mas nalungkot ako dahil sa halip na maalala ng sambayanan ang kanyang mga akda, higit nilang matatandaan ang kanyang mga tirada laban sa mga kababayan nating Filipino Chinese, ang pagpanig niya kay Duterte, ang tindig niya pabor sa pagsasara ng ABS-CBN, ang rants niya laban kay Maria Ressa nang manalo ito ng Nobel,” detalyadong giit ni Gracio.

Samantala, nauna nang sinabi noon ni Jose na maging siyang naging kritiko rin ni Pangulong Duterte.

“You hate Duterte so much that you cannot see any good in the man and you think I sold out to him. I don’t even know him; I have criticized him," ani Jose.

Gayunpaman, para kay Gracio, “ang pagpuna sa mga tindig na panlipunan at pampolitika ni FSJ ay hindi panlalait, lalong hindi kaululan.”

“Bahagi ito ng tungkulin natin bilang kapuwa-manunulat, bilang Filipino. Tungkulin ng lahat na punahin ang xenophobia, ang pagpanig sa pasista, lalo na kung nagmumula ito sa ating mga guro, iginagalang na manunulat, o National Artist,” dagdag pa niya.