Inihayag ng Government Service Insurance System (GSIS) na lilimitahan nito ang kanilang onsite operations kasunod ng muling pagsasailalim sa National Capital Region (NCR) sa Alert Level 3.
Sa isang advisory, sinabi ng GSIS na ang Punong Tanggapan nito sa Pasay City at ang mga sangay nito sa Mindanao Avenue, Quezon City, at Bulacan ay maglilimita sa kanilang onsite operations sa mga serbisyo kabilang ang eCard enrollment at card releasing; cashiering; paglabas ng tseke; pagpapalabas ng clearance, mga sertipikasyon, at huling pahayag ng mga account; at pabahay at non-life insurance.
“For the safety of visiting clients and GSIS personnel on rotational duty assignments, the operating hours of our onsite services will be from 8 a.m. until 12 noon except cashiering which will be open from 8 a.m until 3 p.m,” saad ng GSIS.
Samantala, lahat ng mga kliyente na nasa kanilang service area pagsapit ng alas-12 ng tanghali o cashiering pagsapit ng alas-3 ng hapon ay maakomoda.
Ang paghahain ng mga aplikasyon para sa mga loan at claim, kabilang ang mga aplikasyon sa ilalim ng Lease with Option to Buy Program ay magiging contactless sa pamamagitan ng email, eGSISMO, GWAPS kiosks, o mga drop box na nakalagay sa mga lobby ng mga opisina ng GSIS.
Ang pagbabayad ng mga indibidwal na pautang ay maaari ring gawin sa pamamagitan ng Bayad Center partners na nakalista sa GSIS website.
Ang pagsasagawa ng Annual Pensioners Information (APIR) na mga panayam ay mahigpit na ipatutupad online. Maaaring i-iskedyul ng mga pensiyonado ang kanilang online na appointment sa APIR sa pamamagitan ng text o email.
Gabriela Baron