Inanunsyo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado, Enero 8, na tinanggal nila sa listahan ang apat na namatay na naunang napabilang sa death toll ng bagyong "Odette."
Mula 407, ibinaba sa 403 ang death toll dahil ayon sa NDRRMC, ang apat na namatay mula sa St. Bernard, Southern Leyte ay namatay dahil sa "natural causes" at hindi dahil sa bagyo.
Kabilang dito ang isang 60-anyos na lalaki na inatake sa puso at isang 68-anyos na babae na nastroke.
Mayroon ding 92-anyos na babae na namatay dahil sa hypertensive heart disease; at isang 78-anyos na lalaki na pumanaw dahil sa “bronchial asthma in acute exacerbation.”
Samantala, sa naitalang 403 na nasawi matapos ang hagupit ng bagyong Odette, ang NDRRMC ay nakapag-validate ng 77 na kaso.
Patuloy pa rin bineberipika ng local DRRM offices ang pagkakakilanlan ng 326 pang indibidwal.
Noong Disyembre 16, 2021, humagupit ang bagyong Odette sa bansa.